Inang nagtulak ng ‘bato’ para sa kaarawan ng anak, kalaboso

Inang nagtulak ng ‘bato’ para sa kaarawan ng anak, kalaboso

May 28, 2021 @ 11:14 AM 2 years ago


Isabela – Imbes na paghahandaan niya sana ang kanyang anak na may kaarawan ay sa kulungan bumagsak ang isang misis matapos na maaresto sa isinagawang drug buy-bust operation ng pulisya sa FN DY Boulevard, San Fermin, Cauayan City, ng lalawigang ito.

Sa ipinarating na ulat ni PLt. Col. Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Office kay PCol. James Melad Cipriano, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang suspek na si Karla Mae Dela Cruz, 29-anyos, hiwalay sa asawa at residente ng Brgy. Lanting Roxas, ng nasabing probinsya.

Positibong nabentahan ng suspek ng isang (1) pakete ng pinaniwalaang shabu ang isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer kapalit ang P1,000 marked money.

Kabilang ang narekober sa suspek ang halos tumitimbang ng 0.51 gramo ng pinaniwalaang shabu at may market value na P6,800.00, isang cellphone, pera na halagang P40.00.

Napag-alaman na unang beses nahuli ang suspek sa parehas na operation noong 2018 sa bayan ng Echague at kalauna’y nakalaya rin ito sa pamamagitan ng plea bargaining at sumailalim sa drug rehabilitation.

Samantala, labis ang naging pagsisisi ng suspek at sinabing nagawa niya lamang ito para sa darating na kaarawan ng kanyang anak.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco