Inangkat na sibuyas, nasa Pinas na; presyo inaasahang bababa
January 23, 2023 @ 12:06 PM
2 weeks ago
Views: 152
Shyr Abarentos2023-01-23T11:10:08+08:00
MANILA, Philippines- Dumating na sa bansa ang mga sibuyas na inangkat ng pamahalaan kamakailan, ayon sa Bureau of Plant Industry, at sa mas maraming suplay, marami ang umaasang bababa na ang presyo nito, base sa ulat nitong Lunes.
Umaasa ang marami na maisasakatuparan ang pahayag ng Department of Agriculture (DA) na bababa sa P80 kada kilo ang presyo ng sibuyas.
Subalit dahil wala pa sa pamilihan ang mga sibuyas at sumasailalim pa sa inpeksyon, wala pa ring pagbabago sa presyo nito hanggang ngayong Lunes.
Nitong buwan, pinayagan ng DA ang pag-aangkat ng 21,060 metric tons ng sibuyas para punan ang supply gap at kontrolin ang patuloy na pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Sa liham sa Bureau of Plant Industry (BPI)-licensed onion importers na may petsang January 6, inihayag ng DA na magpapalabas ito ng sanitary and phytosanitary import clearance (SPSIC) para sa importasyon ng fresh yellow at fresh red onion mula January 9 hanggang January 13, 2023.
Binigyan ang licensed importers ng palugit hanggang January 27, 2023 para makarating sa bansa ang shipments.
Narito ang volume na pinayagang iangkat:
-
Fresh yellow onion – 3,960 metric tons
-
Fresh red onion – 17,100 metric tons
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “our government had no choice but to import,” dahil sa gap sa pagitan ng production at ng demand para sa sibuyas sa Pilipinas.
“Given the production and demand we have in the Philippines, it’s impossible to avoid imports. We’ve tried to get products from smuggling, but the need was still not met. We had no choice but to import, so that’s what we’re doing,” ani Marcos, na siya ring Agriculture secretary. RNT/SA
February 3, 2023 @7:56 PM
Views: 51
MANILA, Philippines – Agad na binawian ng buhay ang isang lalaki matapos na malapitang pagbabarilin ng ‘riding-in-tandem’ sa Payatas, Quezon City, Huwebes ng hapon, Pebrero 2.
Kinilala ang biktima na si Alvin Tasara Alejo, 34 anyos,residente ng Brgy. Payatas A, Q.C.
Sa ulat ng Payatas Bagong Silangan Police Station 13 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2: 30 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa Everlasting St., Brgy. Payatas A, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PSSg Mark Philip Paule, sakay ng motorsiklo ay huminto umano ang biktima sa nasabing lugar at may inayos sa makina ng sasakyan.
Habang abala ang biktima ay biglang huminto sa tapat niya ang mga suspek na magka-angkas sa puting motorsiklo, isa dito ay wala pang suot na helmet.
Nang makita ng biktima na bumunot ng baril ang isa sa mga suspek ay nagtangka pa itong tumakbo subalit sunud-sunod na siyang pinaputukan saka tumakas ang riding-in-tandem patungong Jasmin St., Brgy. Payatas.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang biktima sa iba’t-ibang parte ng katawan na nagresulta na agaran nitong pagkamatay.
Nabatid na ang biktima ay may nauna nang kaso tungkol sa illegal na droga.
Patuloy ang pagsisiyasat ng kapulisan upang malaman ang motibo sa pamamaslang sa biktima at matukoy ang mga salarin. Jan Sinocruz
February 3, 2023 @7:43 PM
Views: 42
MANILA, Philippines – Upang paunlarin ang pamumuhay ng mga magsasaka, pitong ahensya ng pamahalaan at siyam na local government units (LGUs) ang bumuo ng convergence plan na pakikinabangan ng mga miyembrong agrarian reform beneficiary (ARB) na kabilang sa 113 agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa Sarangani at General Santos City.
Sa press release sinabi ni Mariannie S. Lauban-Baunto, Department of Agrarian Reform (DAR) Soccsksargen Director, na ang ahensya ay nakipagsanib-puwersa sa Cooperative Development Authority (CDA), Philippine Coconut Authority (PCA), Department of Agriculture (DA), Department of Science at Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Trade and Industry (DTI) kung saan ang lahat ay sumang-ayon na magkakaloob ng mga pangunahing suportang serbisyo sa mga ARB sa lugar.
Sinabi ni Baunto na ang kaganapang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kay DAR Secretary Conrado Estrella III, na mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng iba’t ibang suportang serbisyo tulad ng farm machineries, farm inputs, agricultural technologies and trainings, bukod sa iba pa.
“These agencies have committed to sharing their resources to help uplift the lives of our farmers and promote sustainable development in the countryside,” ayon sa opisyal.
Ang mga kinatawan na nagharap ng kanilang mga programa at proyekto na mapakikinabangan ng mga ARB sa lugar ay kinabibilangan ni Doreen Ancheta, CDA Regional Director; Elisa Gabi, PCA Regional Director; Jocelyn Misterio, DA Regional Director; Forester Nabil A. Hadji Yassin, DOST Acting Provincial Director; Karen Cariga, DENR Supervising Ecosystems Management Specialist; at Hazel Daze Flores, DTI Development Specialist.
Kaugnay nito kinilala ng mga kinatawan mula sa 9 na LGU ang malaking kontribusyon ng DAR para sa pagsasakatuparan ng proyekto, habang kanilang ipinangako na kanilang susuportahan ang convergence plan at tiniyak sa mga ahensyang sangkot ang kanilang suporta sa paghahatid ng mga suportang serbisyo sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Kabilang sa mga LGU ang pamahalaang panlalawigan ng Sarangani, General Santos City, municipal LGUs ng Sarangani, Alabel, Glan, Kiamba, Maasim, Malapatan, at Malungon. Santi Celario
February 3, 2023 @7:30 PM
Views: 40
MANILA, Philippines – Isang menor de edad na lalaki ang nasa pangangalaga ngayon ng City Social Welfare and Development (CSWD) makaraang saksakin nito ang kanyang nakatatandang kapatid na babae sa Brgy. Zapote, Bacoor City, Cavite
Kasalukuyang ginagamot ngayon sa Las Piñas General and Satellite Trauma Center ang biktimang si Janisah Ote Alag, 24, dalaga isang Repacker sa nasabing lugar na nagtamo ng tama ng saksak sa likurang bahagi ng ulo mula sa kanyang kapatid na 16-taong gulang.
Ayon sa ginawang imbestigasyon ni PSSgt Marvin Rae Calaor ng Bacoor CPS, dakong alas-8:40 ng gabi nang naganap ang insidente sa loob ng bahay ng magkapatid kung saan nagkaroon sila ng pagtatalo umano dahil sa problema sa kanilang pamilya.
Hanggang sa kumuha ng patalim ang 16-anyos na binatilyo at agad ay sinaksak ang nakatatanda nitong kapatid na babae.
Dito isinugod sa ospital si Janisah kasunod nang pag-aresto sa nakababatang kapatid. Margie Bautista
February 3, 2023 @7:17 PM
Views: 45
GABALDON, Nueva Ecija – Patuloy na isinusulong ang industriya ng pagkakawayan sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Provincial Director Richard Simangan, marami pang aabangang development sa nabanggit na industriya kabilang na ang hangad na mapataas ang kamalayan ng mga mamamayan patungkol sa lokal na produksyon nito.
Kamakailan ay magkasamang nagpulong ang Micro Small and Medium Enterprise Development Council o MSMEDC at Bamboo Industry Development Council o BIDC sa Nueva Ecija upang malaman ang nagawa ng mga programa gayundin ang mga isusulong pang proyekto na maaaring pagtulungan para sa industriya.
Hangad din ng pagpupulong na mapalawig pa ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong tanggapan tungo sa pagpapaunlad ng maraming industriya sa lalawigan na kinabibilangan ng pagkakawayan.
Sa bahagi ng DTI ay patuloy ang kanilang pagsubaybay sa mga kooperatiba partikular sa mga kailangan sa produksyon, pagbibigay kasanayan at paghanap ng merkado.
Kilala na sa bamboo industry ang Bambuhay mula sa bayan ng Carranglan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa gayundin ang grupo ng mga kababaihan sa bayan ng General Tinio na Papaya Kababaihan Sinag Tala o PAKASITA na ngayon ay katuwang na ng DTI sa pagbibigay ng mga kasanayan sa mga nagsisimula pa lamang sa negosyo.
Kabilang sa mga bayang kilala na sa industriyang pagkakawayan ang Bongabon, Carranglan, Gabaldon, General Tinio at Llanera.
Hangad din ng NESMEDC at NEBIDC na makahikayat pa ng mga tanggapan o organisasyon na makatutulong sa pagbibigay oportunidad sa mga magkakawayan gayundin ay matukoy ang mga bamboo producers o cooperators sa buong lalawigan upang matulungang mailapit at mahanapan ng merkado. Ver Sta. Ana
February 3, 2023 @7:04 PM
Views: 43
MANILA, Philippines – Umabot sa 100 pamilyang Manilenyo ang nakatanggap ng cash cards mula sa lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng programang “Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa” sa Manila City Hall, kamakailan.
Pinangunahan nina nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pamamahagi ng cash cards na bahagi ng proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) na naglalayong mabigyan ng karagdagang puhunan ang mga piling maliliit na negosyante na naapektuhan ang kabuhayan sa kasagsagan ng pandemya.
Nabatid na sa bawat benepisyaro na nagmula sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod ng Maynila ay pinagkalooban ng tig-P10,000.00 na magagamit nila bilang karagdagang puhunan sa kanilang maliit na negosyo.
Ang mga napiling benepisyaryo na tumanggap ng cash cards ay pawang nagmamay-ari ng maliliit na negosyo tulad ng sari-sari store, parlors, carinderia, at iba na na halos nasaid ang puhunan bunga ng dalawang taong pandemyang idinulot ng COVID-19.
Karamihan sa mga benepisyarong tumanggap ng cash cards ay sumailalim sa orientation seminar na naglalayong mapalago ng husto ang maliit nilang negosyo.
Umaasa naman sina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto na makakatulong kahit papaano sa mga benepisyaryo ang ibinahagi sa kanilang karagdagang puhunan upang mapalago ang maliit nilang negosyo. JAY Reyes