Inarestong sabungero pumalag, nakapatay ng parak

Inarestong sabungero pumalag, nakapatay ng parak

April 5, 2022 @ 1:12 PM 3 months ago


PANGIL, Laguna-Arestado ang isang welder na bumaril-patay sa pulis matapos umanong mang-agaw ng baril ng salakayin ng mga awtoridad ang tupadahan Linggo sa bayang ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Ronilo Oliveros Ruben, welder, ng Brgy Sulib, Pangil, Laguna.

Binawian naman ng buhay habang ginagamot sa Pakil General Calles Hospital ang biktimang si Police Chief Master Sergeant Gilbert Robles Briz, 42.

Batay sa report ng Pangil Municipal Police Station (MPS) dakong 10:46 AM ng salakayin ang tupadahan sa Barangay Sulib, Pangil, Laguna.

Pagdating sa lugar naabutan ng mga pulis ang suspek hawak ang manok na panabong at mga mananaya kaya agad na dinakip ang mga ito.

Ayon sa pulisya, habang pinoposasan ng biktima ang suspek ay nagpupumiglas ito at nagawang makuha ang baril ni Briz saka niya ito binaril.

Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang suspek patungo sa bundok na bahagi na lugar pero kinagabihan ay nadakip rin ito sa ginawang manhunt operation ng pulisya.

Nahaharap ngayon sa kasong murder at illegal gambling ang suspek./Mary Anne Sapico