INC binati ni PBBM sa ika-108 anibersaryo

INC binati ni PBBM sa ika-108 anibersaryo

July 28, 2022 @ 7:13 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- “Solemn and merry celebration.”

Ito ang  hiling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa religious group na  Iglesia ni Cristo (INC) na nagdiwang ng kanilang ika-108 anibersaryo.

“Sa mahigit isang siglong pagkakatatag ng inyong kapatiran, napagtibay ng inyong malalim na pananampalataya sa Poong Maykapal at Kanyang sambayanan ang halaga ng pagsasabuhay sa Ebanghelyo upang hubugin ang ating pagkatao,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Lubos ang aking pasasalamat sa inyong pakikiisa sa pamahalaan at sa mga mamamayang Pilipino sa pagtataguyod ng kabutihan at kapayapaan sa ating bansa at sa iba’t-ibang panig ng mundo,” dagdag na pahayag nito.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagsasamang-trabaho para sa bansa.

“Nawa, sa ating pagbubuklod ay makamit natin nang sama-sama ang ating mga minimithi para sa Inang Bayan,” aniya pa rin.

Samantala,  ang hiling naman ni Pangulong Marcos kay INC Executive Minister Eduardo Manalo at sa iba pang lider ay “strength, wisdom and humility” para sa pag-unlad pa ng komunidad.

“Gabayan nawa ng Ama ang inyong Tagapamahalang Pangkalahatan na si Eduardo V. Manalo at ang kaniyang mga katuwang sa pamumuno,” ani Pangulong Marcos.

“Hangad ko na pagkalooban sila ng Diyos ng sapat na lakas, karunungan, at kababaang-loob para sa higit na ikauunlad ng Iglesia ni Cristo,”  aniya pa rin. Kris Jose