Incentive leaves sa mga manggagawa pinadadagdagan ni Lapid

Incentive leaves sa mga manggagawa pinadadagdagan ni Lapid

November 17, 2022 @ 1:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinadadagdagan ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang bilang ng paid service incentive leaves sa mga kwalipikadong manggagawa mula sa dating limang araw na gagawing 10 araw na.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1511 na inihain ni Lapid nitong Martes, Nobyembre 15, layon nitong amyendahan ang probisyon sa Labor Code of the Philippines na nagsasabing “every employee who has rendered at least one year of service shall be entitled to a yearly service incentive leave of five days.”

Anang Senador, mas makakapagpataas ng morale ng mga manggagawa na may mabuting epekto rin sa kanilang pagtatrabaho, ang pagdaragdag sa paid leaves ng mga ito.

“Mahalagang aspeto ng workers’ welfare and benefits ang pagkakaloob ng mga leaves upang ang ating mga manggagawa ay magkaroon ng pahanon para sa kani-kanilang mga pamilya, makapag-bakasyon at makapaglaan ng oras sa sarili,” ani Lapid sa isang pahayag.

Ipinunto rin niya na ang pagkakaroon ng time off sa pagtatrabaho ay mabuting paraan upang mabawasan o maiwasan ang stress dulot ng trabaho at mapabubuti ang work-life balance ng mga empleyado.

Sa kabila nito, hindi naman kasama sa panukala ang mga empleyado na mayroon nang 10-day paid service incentive leave at mga nagtatrabaho sa establisyimento na mas mababa sa 10 ang kanilang mga manggagawa. RNT/JGC