Inclusive education para sa mag-aaral na PWD, batas na!

Inclusive education para sa mag-aaral na PWD, batas na!

March 15, 2022 @ 5:30 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Ipinagpasalamat ni Senador Win Gatchalian ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang batas na titiyak sa dekalidad at abot-kamay na edukasyon at mga serbisyo para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11650 o “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act,” mandato na sa mga pampubliko at mga pribadong paaralan na tiyaking bawat mag-aaral na may kapansanan ay magkakaroon ng sapat na access sa dekalidad na edukasyon.

Nakasaad din sa naturang batas na walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng pagkakataong makapasok sa isang paaralan dahil sa kanyang kapansanan.

Ayon kay Gatchalian, napapanahon ang bagong batas lalo na’t matindi ang naging pinsala ng COVID-19 pandemic sa mga mag-aaral na may kapansanan.

May 93,895 na mag-aaral na may kapansanan ang naka-enroll para sa School Year 2021-2022, mas mababa ng pitumpu’t apat (74) na porsyento sa 360,879 na naitala para sa School Year 2019-2020.

Batay sa mga dating datos mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), tinatayang 5.1 milyong kabataang Pilipino ang may kapansanan.

“Bago pa tumama ang pandemya, napagkakaitan na ang maraming learners with disabilities ng dekalidad at abot-kamay na edukasyon at mga serbisyo. Napapanahon itong bagong batas para sa ating mga learners with disabilities dahil matitiyak natin na pagpasok natin sa new normal, hindi na sila mapag-iiwanan,” ani Gatchalian na nag-sponsor ng batas.

Bago pa tumama ang pandemya, hamon na para sa mga mag-aaral at batang may kapansanan ang kakulangan sa mga pasilidad, imprastraktura, transportasyon, at iba pa.

Sa ilalim ng bagong batas, mandato sa Department of Education (DepEd) na magpatayo at magpatakbo ng hindi bababa sa isang Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad.

Ang mga naturang ILRC, na ipapatayo sa tulong ng mga local government units, ay magsisilbing one-stop shop para sa paghahatid ng libreng mga serbisyo para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Ang mga ILRC din ang nagpapatupad ng iba’t ibang mga programa para sa Inclusive Education.

Bawat ILRC ay magkakaroon ng mga multidisciplinary teams na binubuo ng mga eksperto tulad ng mga educational psychologists, guidance counselors, developmental pediatricians, physical therapists, speech at language therapists, special needs teachers at iba pang allied medical professionals.

Sa pagbuo ng implementing rules and regulations ng batas, isasaad ang mga minimum services at conditions na kailangang sundin sa mga sistema ng admission at polisiya ng mga paaralan. Kabilang dito ang probisyon ng assistive devices, mga pasilidad, at imprastraktura sa mga admission process, iba’t ibang anyo ng reasonable accommodation, at iba pa. Ernie Reyes