Increase sa DOH budget aprub kay Bong Go

Increase sa DOH budget aprub kay Bong Go

October 5, 2022 @ 2:55 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go na palakasin pa ang healthcare system sa public hearing ukol sa panukalang 2023 budget ng Department of Health noong Lunes.

Sa pagdinig, binigyang-diin ni Go, chair ng committee on health and demography, ang kahalagahan ng 2023 budget ng DOH para sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya at iginiit ang kanyang pagsuporta sa pagtataas ng pondo ng ahensiya para sa pagpapabuti ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan.

Sinabi ni Go na kailangang i-capacitate at maayos na mabayaran ang health workforce upang palakasin ang healthcare capacity ng bansa.

“Sila ang ating naging frontliners sa ating pagtugon sa COVID-19. And, before I forget, maraming salamat po sa inyong sakripisyo, sa panahon ng pandemya hanggang ngayon. Lahat ng mga healthcare workers natin, hanggang sa mga department officials na nagdu-duty, nagsasakripisyo sa panahon ng pandemya, at lahat po ng kasama sa IATF,” ani Go.

Para maisakatuparan ito, ipinunto ni Go na dapat tiyakin ng gobyerno ang pagpopondo para sa allowance na kasama sa Republic Act No. 11712, o ang Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers.

Sinabi ni Go na ang DOH ay naglaan ng badyet na PhP19.9 bilyon na maaaring masakop ang mga benepisyo sa loob ng tatlong buwan.

“Dapat gumawa tayo ng paraan para makapagbigay ng sapat na pondo para dito. Dapat din nating tiyakin ang pagpopondo para sa mga manggagawang pangkalusugan dahil sa pandemya ng COVID-19,” aniya.

Binigyang-diin din ni Go ang pangangailangang i-upgrade ang mga pampublikong ospital lalo na’t umaasa sa kanila ang mga mahihirap na pasyente.

“Mahalaga rin po na patuloy nating i-upgrade ang ating mga pampublikong ospital na karamihan ay mahihirap po ang pumupunta. Sa dami ng pumupunta sa mga pampublikong ospital, hindi na po nagkakasya ang mga pasyente. Ako po ay witness dito,” ibinahagi ng senador.

Sinabi ng senador na dapat maglaan ng sapat na pondo para sa upgrade at pagtatayo ng mga bagong pampublikong ospital, tulad ng Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan.

Pagkatapos ay humiling siya ng suporta mula sa DOH para sa nasabing ospital, at lahat ng iba pang bagong ospital lalo na ang mga naisabatas na itinaguyod ni Go sa 18th Congress.

“Ulitin ko lang po, huwag nating sayangin yung mga pinaghirapan natin sa Kongreso na naipasa. ‘Yung mga bagong ospital, tulad ng Joni Villanueva General Hospital, at iba pang mga ospital na naipasa. Baka po, pakisilip lang ninyo, pakitingnan ninyo po nang mabuti para magamit po ito, lalo na po ngayon na nasa pandemya pa tayo,” anang mambabatas.

Tiniyak ni Go sa DOH na handa siyang tumulong sa nasabing gawain. Ibinahagi ni Go na ang kanyang komite, noong nakaraang Kongreso, ay nakapagpasa ng 69 batas para sa pagpapabuti at pagtatatag ng iba’t ibang pampublikong ospital sa buong bansa.

Kaugnay nito, binanggit din ni Go na dapat tiyakin ng gobyerno ang sapat na pondo para sa Health Facilities Enhancement Program at ang patuloy na pagpopondo para sa Super Health Centers na kanyang itinulak sa budget ngayong taon.

“Sabi nga po ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address, kailangan ‘mailapit natin ang health care system sa taumbayan nang hindi sila kailangang pumunta sa sentro ng kanilang bayan, lalawigan o rehiyon,’” ani Go.

Matatandaang ipinasa ni Go ang Republic Act 11463 o ang Malasakit Centers Act noong nakaraang Kongreso upang matiyak ang mas madaling access ng mga pasyente sa tulong ng gobyerno. Dapat aniyang tiyakin ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers.

Samantala, binigyang-diin din ni Go ang kritikal na papel na ginagampanan ng Super Health Centers, na ang ilan ay naitayo na sa mga pangunahing lokasyon sa bansa, upang punan ang kakulangan sa mga lugar kung saan kulang ang mga ospital.

“Kaya nga tayo nagpapatayo ng mga Super Health Centers sa mga strategic areas, dahil marami pang munisipyo na kulang talaga ang kailangan. Wala silang rural health unit,” ani Go. RNT