India pinakasentro na ng COVID-19 sa mundo

India pinakasentro na ng COVID-19 sa mundo

April 8, 2021 @ 10:27 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Habang naaalarma ang World Health Organization sa pagdami ng tinatamaan ng coronavirus disease o COVID-19, sinasalakay naman nang todo ng virus ang bansang India at sinasabing ito na ang sentro ng pandemya ngayon.

Simula nitong Abril 3, 2021, naglalaro na sa mahigit 150,000 araw-araw ang kinakapitan ng COVID-19 at nasingitan lang ng nasa 32,000 nitong Abril 4 at 57,000 nitong Abril 6.

Dahil dito, paspasan na ang pagbabakuna at nitong nagdaang araw, umabot sa 4 milyon ang binakunahan sa isang araw.

Maaari umanong likha ang surge ng COVID-19 sa naganap na spring festival na Holi na sinelebra ng milyon-milyong Indian o Hindu sa dalawang linggo mula sa kalagitnaan ng buwan ng Marso.

Dito nagtanggal ng mga face mask ang mga tao, nagtipon-tipon nang walang social distancing, sama-samang naligo sa mga ilog at iba pa.

Ngunit malaki rin umano ang kinalaman ng dalawang mutant o COVID-19 variant na sumasalakay sa India ngayon.

 

Hindi naman sinabi sa ulat kung anong uri ng mutant o variant ang mga ito.

Ayon naman sa WHO, kapansin-pansin ang pagdami ng biktima sa Pilipinas at sinabi nitong magpapadala ng mga eksperto upang pag-aralan ang mga variant o bagong anyo ng COVID-19, kasama na ang Philippine variant.

Mula sa dating 1,000-2,000 araw-araw na biktima, naging 8,000-15,000 na ang mga ito araw-araw. Fred Cabalbag


  •  
  •  
  •