Indian na nadiskubreng buhay sa morge, na-cremate na

Indian na nadiskubreng buhay sa morge, na-cremate na

November 25, 2021 @ 10:10 AM 3 days ago


NEW DELHI, India — Matatandaang naiulat ang isang Indian man na maling naideklarang patay at inilagak na sa freezer ng morge kung saan matapos ang isang araw ay nadiskubreng humihinga papala ito.

Sa ulat ng pamilya ng Indian na tuluyan na itong sumakabilang buhay at naka-cremate na ngayon.

Kinilala ang nasawi na si Srikesh Kumar na nasangkot sa aksidente at nagtamo ng mga kritikal na sugat.

Idineklara siyang dead on arrival ng doktor sa ospital sa Moradabad, sa New Delhi.

Inilagak ang katawan niya sa freezer ng morge matapos ito, at nang kukunin na ng kanyang pamilya anim na oras ang nakalilipas ay nakita nilang humihinga ito.

Dinala si Kumar nitong Biyernes sa ospital pero nananatili siyang comatose nang mga panahong ito.

Nitong Martes lang nang binawian si Kumar dahil sa brain injury.

“He died last night… and his body has been handed over to his family,” ani district medical officer Shiv Singh sa AFP.

Dahil sa pagkakadiskubreng buhay pa si Kumar, nagkasa ng imbestigasyon sa ospital para patunayan kung sino ang may kapabayaan sa sinapit ng biktima.

Nadiskubre sa imbestigasyon na dumaan si Kumar sa estado ng “suspended animation” nang ideklara siyang nasawi, ayon kay Singh.

“It seems there was no negligence on part of the doctors but we are still investigating,” aniya pa. RNT