Indian national patay sa pamamaril sa Navotas

Indian national patay sa pamamaril sa Navotas

August 25, 2022 @ 5:28 PM 1 month ago


manila, pHILIPPINES – Todas ang isang Indian national matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Navotas City, kaninang umaga.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa likod ang biktima na kinilala bilang si Mandeep Dhaliwal Singh, 33 ng Arguelles, Quezon City.

Mabilis namang tumakas ang gunman na nakasuot ng puting t-shirt, maong pants jeans at sakay ng isang kulay pula at puting motorsiklo patungo sa Lapu-Lapu Avenue habang ang isa pang suspek na nakasuot ng itim na jacket at itim na helmet ay patungo naman sa Manila area.

Sa inisyal na report ni PSSg Reysie Peñaranda kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-11:20 ng Huwebes ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng South bound ng Road 10, Brgy. NBBN, Navotas City.

Batay sa pahayag ng 17-anyos na binatilyong saksi kay PSSg Peñaranda, nakatayo siya sa naturang lugar nang makita niya ang gunman mula sa likuran na sakay ng isang motorsiklo at naglabas umano ng baril saka tatlong beses na pinaputukan sa likod ang biktima na sakay din ng isang skydrive motorcycle.

Patuloy naman ang follow up operation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga salarin habang inaalam pa ang motibo sa insidente. Boysan Buenaventura