INDIGENT SENIOR CITIZENS, MAKATATANGGAP NG P12K NGAYONG 2023

INDIGENT SENIOR CITIZENS, MAKATATANGGAP NG P12K NGAYONG 2023

January 31, 2023 @ 2:28 AM 2 months ago


TUTUTUKAN ng tanggapan ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara ang Department of Budget and Management at ang Department of Social Welfare and Development para maseguro na makukuha ng tinatayang 4.1 million indigent senior citizens ang kabuuang P12,000 na social pension simula ngayong taong 2023.

 Pinaalalahanan ng senador ang dalawang kagawaran na malinaw na itinatadhana ng Republic Act No. 11916 ang 100% na pagtataas ng pensyong matatanggap ng mga nakatatanda. May inilaang badget ang national government at ang Kongreso para rito na nakapaloob sa P5.268 trillion national budget ngayong taon.

Alinsunod sa bagong batas, mula sa dating P500 ay magiging P1,000 na ang social pension ng mga nakatatanda na kabilang sa sector ng mga mahihirap. Ginawa ito upang matulungan sila sa kanilang mga pangangailangan partikular sa kanilang maintenance medicines, maliban pa ito sa 20% discount na bahagi ng kanilang pribilehiyo. 

Ayon sa DSWD, ang mga lolo at lola na maaari lamang makakuha ng P1,000 kada buwan na social pension ay mga may sakit, may kapansanan, nanghihina, walang nakukuhang pension mula sa Social Security System at Government Service Insurance System, walang trabaho o negosyo, at walang sumusuportang kamag-anak.

Sinasabing may 10% ng 9 million senior citizens sa ating bansa ay namumuhay na mag-isa. Hindi nila napaghandaan ang kanilang pagtanda, walang SSS o GSIS, mga maagang nawalan ng asawa, mga tumandang dalaga o binata, at may mga inabandona ng sariling pamilya.

Pakiusap natin sa mga kapwa natin senior citizens na kung kayo naman ay medyo nakaaangat sa buhay, huwag ng pag-interesan pa ang P1,000 kada buwan na pension. Sa totoo lamang, saan pa ba makakarating ang P1,000 sa mahal ng mga bilihin ngayon.

Sana ay may makita pang pamamaraan ang Marcos administration at ang Kongreso sa pamamagitan ni senator Angara na mapataas pa bawat taon ang social pension para talagang mapakinabangan ng ating mga kababayang nakatatanda.