INFANTA, QUEZON, CRIME CAPITAL NG SOUTHERN LUZON?

INFANTA, QUEZON, CRIME CAPITAL NG SOUTHERN LUZON?

March 22, 2022 @ 10:50 AM 3 months ago


HUWAG naman sanang mangyari ang pangamba ng marami, lalo na ang mga taga-Southern Luzon na magmukhang crime capital ang bayan ng Infanta, Quezon lalo na’t kamakailan lamang ay may nasakote ang National Bureau of Investigation (NBI) at pulisya na 10 suspek sa ilegal na droga.

Lumalabas na sa laki ng halaga ng sako-sakong droga na umabot sa P11 bilyon ay ito na ang pinakamalaki sa rekord ng ating otoridad at naganap mismo sa bayan ng Infanta.

Sakay ng tatlong sasakyan, walang kawala ang mga suspek na nanggaling pa sa Tanay, Rizal sa ginawang checkpoint ng NBI, military at lokal na pulisya na nakatanggap ng tip na may isang Nissan van ang may lulan ng mga ipinagbabawal na droga.

Sa imbentaryo ng otoridad, aabot sa mahigit kumulang 600 na pakete ng shabu na nakasilid sa Chinese teabags ang nakumpiska.

Isinasailalim na sa pagsusuri ang mga nakumpiskang kontrabando habang inaalam pa ng pulisya ang pinanggagalingan nito at kung sino-sino pa ang sangkot dito.

Tila ang pinakahuling matinding insidente ay isa lamang sa mga krimen na nagaganap sa bayan ng Infanta.

Matatandaang hindi pa katagalan nang maganap ang bigong pananambang kay Infanta Mayor Filipina Grace America na tinamaan ng bala at nagpagamot sa isang pribadong ospital.

Ayon kay Philippine National Police chief General Dionardo Carlos, sisilipin nila ang lahat ng anggulong maaaring may kinalaman sa naging banta sa buhay ng nasabing alkalde.

Sa sunod-sunod na mga insidenteng nagaganap sa Infanta, malaking palaisipan kung ang mga krimeng nangyayari ay higit pa sa mga iringan, awayan sa quarrying o mas malalim pang dahilan kabilang na ang isyu ng droga.

Hindi naman siguro papayag si General Carlos na maging magulo ang ilang lugar sa bansa, kasama na ang bayan ng Infanta, dahil sa mga kabi-kabilang krimen na nagaganap kaya dapat lang pakilusin niya ang kanyang mga tauhan lalo’t malapit na ang halalang lokal at nasyunal.

Dapat lang manguna ang ating otoridad sa pagprotekta sa publiko pati sa balota laban sa mga mapagsamantala at pati iyung mga naka-puwesto na abusado sa kapangyarihan.