Inflation inaasahang mataas pa rin ngayong Enero – BSP

Inflation inaasahang mataas pa rin ngayong Enero – BSP

January 31, 2023 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahang mananatiling mataas ang inflation sa buwan ng Enero sa kabila ng tinatayang pagbagal nito mula sa 14-month high noong Disyembre.

Ito ang iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Martes, Enero 31 kung saan nakikita nito na ang inflation ay tatama sa pagitan ng 7.5% hanggang 8.3% kasunod ng naitalang 8.1% inflation noong Disyembre na pinakamabilis mula sa 9.1% noong Nobyembre 2008.

Ang pinakahuling forecast range ay mas mataas sa 2% hanggang 4% na target ng pamahalaan.

“Upward price pressures for the month are expected to emanate from higher electricity rates, approved water rate rebasing, higher domestic petroleum prices, uptick in the prices of key food items, and the annual increase in sin taxes,” pahayag ng BSP.

Ngayong buwan, nakapagtala ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa apat ng limang linggo ng Enero, o year-to-date net increase na P5.90 kada litro sa gasolina, P2.05 kada litro sa diesel at P3.20 kada litro sa kerosene hanggang nitong Enero 24.

Kasama rin ang inaasahang taas-presyo sa singil sa kuryente ngayon ding buwan.

Samantala, sinabi naman ng BSP na posibleng maibsan ng inaasahan namang pagbaba sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ang bilis ng inflation.

Dagdag pa ang pag-arangkada ng halaga ng Piso kontra dolyar na bumalik sa P54:$1 level mula sa all-time low nito na P59:$1 noong nakaraang taon.

Matatandaang sinabi ni BSP Governor Felipe Medalla noong Disyembre na inaasahan niyang magnonormal na ngayong buwan ang inflation makaraang mag-peak noong Disyembre.

“The BSP will continue to adjust its monetary policy stance at the necessary pace to prevent the further broadening of price pressures and monitor emerging price developments closely in accordance with the BSP’s price stability mandate,” dagdag pa ng BSP. RNT/JGC