Inflation posibleng lumala pa sa Nobyembre – PSA

Inflation posibleng lumala pa sa Nobyembre – PSA

November 4, 2022 @ 2:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, Nobyembre 4 na posibleng lumala pa at bumilis ang inflation dahil sa mga pinsalang dulot ng bagyong Paeng.

“‘Yung impact ng recent typhoon natin, ‘yung Paeng, sadly makikita pa natin ‘yun ngayong buwan ng Nobyembre so irereport ‘yun sa December,” pagbabahagi ni PSA chief and National Statistician Claire Dennis Mapa sa press briefing.

Matatandaan na ang bilis ng pagtaas sa presyo ng mga produkto o inflation rate ay nasa 14-year high nito o 7.7% sa buwan ng Oktubre mula sa 6..9% nitong Setyembre.

Ito rin ang pinakamataas mula noong Disyembre 2008 na 7.8% sa kasagsagan ng global financial crisis.

“I wish na ito na ‘yung peak, but as your national statistician at nakikita natin ang datos sabi ko nga medyo may push tayo sa food prices at ang recent typhoon ay hindi makakatulong,” ani Mapa.

“There’s substantial probability of an increase [in inflation]. In other words, it’s not certain that this is already the peak primarily because we will be experiencing upward movement from the data on food prices,” dagdag pa niya.

Sa datos ng Department of Agriculture, lumabas na umabot na sa P2.86 bilyon ang halaga ng mga produktong agrikultural ang napinsala ng bagyo katumbas ng 116, 291 metriko tonelada ng production loss mula sa 86,574 hektarya ng mga sakahan at palaisdaan mula sa mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, at Soccsksargen.

Maliban sa pagtaas sa presyo ng mga pagkain dulot ng bagyong Paeng, sinabi rin ni Mapa na ang pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong buwan ay magpapabilis sa inflation para sa buwan ng Nobyembre. RNT/JGC