Inflation rate sa bansa tumaas pa

Inflation rate sa bansa tumaas pa

November 4, 2022 @ 9:49 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tumaas pa ang inflation sa buwan ng Oktubre kasabay ng patuloy na paglobo sa presyo ng mga pagkain tulad ng gulay at karne.

Ito ang lumabas sa ulat ng Philippine Statistics Authority nitong Biyernes, Nobyembre 4 kung saan ang consumer price index ay umangat sa 7.7% mula sa 6.9% nitong Setyembre.

Pinakamataas na ito sa nakalipas na 14 na taon o mula Disyembre 2008 sa 7.8 percent.

Pasok ang naitlang inflation rate sa buwan ng Oktubre, sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 7.1 hanggang 7.9% expectation.

Mananatili pa itong mataas sa kabuuan ng taon.

Magreresulta rin sa supply-side inflation ang mga nagdaang kalamidad sa mga darating na buwan dahil sa mga napinsalang pananim.

Samantala, itinaas ng BSP ang benchmark rate ng cumulative 225 basis points sa 4.25% ngayong taon upang mapabagal ang paghagupit ng inflation.

Inaasahan pa ang 75-bps hike sa Nobyembre 17 makaraang sabihin ni BSP Gov. Felipe Medalla na tatapatan nito ang 75-bps adjustment ng US Federal Reserve. RNT/JGC