Inflation sa 2019 pa bababa; Ekonomiya ng bansa, matatag pa rin-BSP

Inflation sa 2019 pa bababa; Ekonomiya ng bansa, matatag pa rin-BSP

July 31, 2018 @ 11:27 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Sa susunod na taon pa bahagyang makakahinga ang publiko sa mataas na bilihin dahil sa 2019 pa inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bababa ang inflation rate.

Sa budget briefing sa Kamara para sa 2019 proposed budget, kapwa inamin nina BSP Governor Nestor Espenilla at Deputy Gov. Diwa Guinigundo na sa buong 2018 ay inaasahan na mataas ang inflation rate na nangangahulugan na mataas na presyo ng pangunahing bilihin.

Ang 2% hanggang 4% na target na inflation ay sa 2019 pa umano mararamdaman.

Nilinaw naman ni Espenilla na hindi ang pagpapatupad ng tax reform o TRAIN Law ang sanhi ng mataas na inflation kundi maraming factor gaya ng mataas na presyo ng langis sa world market at mataas na excise tax gayundin ang pagbaba ng piso sa dolyar at weather related factors.

Sa kabila nito, nilinaw ni Espenilla na nanatiling matatag ang ekonomiya ng bansa at isa pa rin ang Pilipinas sa tinuturing na fastest growing economy.

Habang mataas ang inflation sa bansa, siniguro mg BSP na mayroong mga measures silang ipatutupad para mapanatili ang price stability sa bansa, kasama na dito ang pagpapalawak pa sa abot-kayang financial services para sa mga Pilipino. (Gail Mendoza)