Inflation target ng bansa sa 2023-2024, nasa 2-4% – DBCC

Inflation target ng bansa sa 2023-2024, nasa 2-4% – DBCC

December 16, 2022 @ 5:37 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nananatili sa 2.0% hanggang 4.0% ang inflation target na inilatag ng mga economic manager ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa taong 2023 hanggang 2024.

Kapareho rin ito ng inflation ceiling para sa susunod na dalawang taon o 2025 hanggang 2026.

Kasabay ng pagpupulong ng Cabinet-level economic cluster na Development Budget Coordination Committee (DBCC) noong Disyembre 5, napagkasunduan na panatilihin sa nasabing lebel ang inflation target, saad sa pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Biyernes, Disyembre 16.

Ang DBCC o mas kilala bilang economic managers, ay binubuo ng mga Kalihim ng Department of Finance, National Economic and Development Authority, Department of Budget and Management, at ng BSP governor.

“This announcement of the medium-term inflation target is in line with the BSP’s commitment to transparency and accountability as well as the forward-looking approach in the conduct of monetary policy,” ayon sa BSP.

“The inflation target range of 3.0% ± 1.0 percentage point (2-4%) continues to be an appropriate quantitative representation of the medium-term goal of price stability that is optimal for the Philippines given the current structure of the economy and outlook for macroeconomic conditions over the next few years,” dagdag pa.

Ngayong taon, nasa 5.8% ang average ng year-to-date inflation, mas mataas sa target ngayong taon ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.

Ayon naman sa DBCC, inaasahan na nasa 5.8% ang average ng inflation ngayong taon kung hindi lalampas sa 8.5% ang inflation rate pagsapit ng Disyembre.

Sa kabila nito, inaasahan naman na mas bubuti pa ang ekonomiya ng bansa lalo na sa mas maluwag na restriksyon dulot ng COVID-19 at pagbabalik ng iba’t ibang aktibidad sa negosyo at turismo.

“The policy interest rate increases will also support the medium-term growth outlook as price stability promotes efficient allocation of resources and preserves the purchasing power of households,” dagdag pa ng BSP. RNT/JGC