Information campaign sa Pederalismo, hindi solo ng PCOO- Sec. Andanar

Information campaign sa Pederalismo, hindi solo ng PCOO- Sec. Andanar

August 9, 2018 @ 7:26 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi solo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang information campaign sa pederalismo.

Sinabi ni PCOO Sec. Martin Andanar na responsibilidad din ng inter-agency na kinabibilangan ng DILG, Office of the Executive Secretary at mga miyembro ng Consultative Committee ang information campaign.

Kaugnay nito ay nilinaw ng Kalihim na hindi pa talaga opisyal na nagsisimula ang kampanya dahil nasa planning stage pa lang ang inter-agency kung paano ang gagawing campaign strategy para epektibong maipaunawa sa publiko kung ano ang pederalismo at ano ang pakinabang dito ng taumbayan.

Kailangan din aniyang maplano kung ano ang ilalagay sa mga polyetos, ano ang laman ng radio at tv ads at kung sino ang mga dapat na mensahero.

Bukas din aniya ito sa mga media entities na willing maging partner ng inter-agency para sa pagpapakalat ng mga dapat malaman sa pederalismo.

Kinumpirma din ni Sec. Andanar na mag-i-expire ang Con Com ngayong buwan pero aminado siyang kailangan pa ng pamahalaan ang mga miyembro nito na kinabibilangan nina dating Chief Justice Renato Puno, dating Senate President Nene Pimentel at lahat ng bumubuo nito.

Samantala, umaasa naman si Sec. Andanar na mayroon nang pinal na mapagkakasunduan ang inter-agency sa kanilang ikatlong meeting ngayong linggo. Kris Jose