Infra budget ng ilang distrito naragdagan sa bagong liderato sa Kamara – Lacson

Infra budget ng ilang distrito naragdagan sa bagong liderato sa Kamara – Lacson

November 22, 2020 @ 4:55 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinabi ni Senator Panfilo Lacson na paglumaki ang badyet sa imprastraktura sa ilang distrito sa bagong liderato ng Kamara.

“Nagkaroon na ng issue kasi nga ni-raise ko na ‘yung issue bakit ang lalaki nitong distribution sa mga distrito. Pagpalit ng liderato, napansin namin, halimbawa sa NEP (National Expenditure Program), ‘yung isang distrito nasa mga P9 bilyon. Siguro medyo matibay ‘yung distrito na ‘yun, paglabas ng GAB, under the new leadership, umabot pa siya ng P15 billion,” lahad ni Lacson sa panayam ng Dobol B.

“Merong distrito rin na nasa P4 or P5 billion, paglabas ng GAB, naragdagan pa ulit ng another P4 or P5 billion, naging halos P8 billion na. So nakagugulat talaga,” dagdag ng senador.

Aniya, mas lumaki ang badyet sa mga distritong kaalyado ni Speaker Lord Allan Velasco.

“Nu’ng nagpalit ng liderato, nagpalit ang ihip ng hangin. ‘Yung iba, from NEP, nabawasan siya pagdating sa GAB kasi under the new leadership. So ‘yung malapit sa kusina, ‘yun ang naragdagan at ‘yung mga outside the kulambo, ‘yun ang nabawasan,” ani Lacson.

Giit din nitong hindi ito masasabing “pork” dahil ito ay inilagay sa badyet bago pa ang deliberasyon.

“Sa NEP pa lamang o pag-submit pa lang ng DPWH, meron nang intervention na ginagawa ‘yung ilang mga kongresista para sa kanilang mga distrito,” aniya.

“Ang point ko, hindi pwedeng walang pakialam ang kongresista tulad ng sinasabi nila,” punto pa ng senador.

Lahad pa nito na ang pangingialam ng mga mambabatas sa pagpili ng infrastructure project ay magreresulta sa maling pagpaplano at implementasyon at aniya’y masasayang lang ang pondo.

“Yung pag-implementa, hindi maayos kasi hindi nasusunod ‘yung dapat na pagpaplano ng DPWH kasi pinapakailaman ng legislators,” saad nito.

“Walang pork, in the strictest sense of the word, pero sa implementasyon, hindi rin nawawala ang commission,” dagdag ni Lacson.

Sabi pa ng senador na mula sa P620 milyon hanggang P15 bilyon pondo kada infrastructure project sa bersyon ng badyet sa Kamara. RNT/ELM


  •  
  •  
  •  

Loading...