Infra damage, power interruption naitala sa lindol sa Abra – NDRRMC

Infra damage, power interruption naitala sa lindol sa Abra – NDRRMC

October 26, 2022 @ 11:46 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, Oktubre 26 na may mga naitatala nang pinsala sa imprastruktura, mga tirahan at power interruption sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Ito ay matapos tumama ang magnitude 6.4 na lindol sa Abra, Martes ng gabi at naramdaman sa maraming probinsya sa Hilagang Luzon.

Sa inisyal na ulat, sinabi ng NDRRMC na mayroong dalawang imprastruktura ang nasira sa Allacapan, Cagayan partikular na ang dalawang kalsada na nagtamo ng minor cracks.

Mayroon namang dalawang bahay ang nawasak sa Aparri, ang isa ay partially damaged samantala ang isa naman ay totally damaged.

Naitala rin ang pagkawala ng kuryente sa mga bayan ng Allacapan at Gattaran, Cagayan ayon pa sa ahensya.

Matatandaan nauna nang iniulat ang pagkasira ng bahagi ng Iglesia Filipina Independiente church sa La Paz, Abra, pinsala sa tulay sa Ilocos Norte at ilang insidente ng rockslides. RNT/JGC