Infra damage sa Abra quake sumampa sa P1B – NDRRMC

Infra damage sa Abra quake sumampa sa P1B – NDRRMC

August 2, 2022 @ 11:52 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Umabot na sa P1 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura dahil sa magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.

Batay sa ulat, sinabi ng NDRRMC na 1,470 infrastructures na nagkakahalaga ng P1,252,288,371.81 ang naiulat na napinsala sa Ilocos Region, Cagayan Region, at Cordillera Administrative Region.

Naiulat din ang kabuuang P651,519,209 pinsala sa Ilocos; P32,029,162.81 sa Cagayan; at P568,740,000 sa Cordillera.

Inihayag ng NDRRMC na naiulat ng Department of Agriculture ang P15,264,476  whalaga ng pinsala, habang nakapagtala ang National Irrigation Administration ng P4.5 milyon sa Cordillera.

Umabot naman sa 28,702 kabahayan ang naiulat na napinsala—28,289 partially at 413 totally—sa  Ilocos, Cagayan, Cordillera, at sa National Capital Region.

Base sa NDRRMC, 10 indibidwal ang naiulat na nasawi habang 394 ang nasugatan sa kalamidad.

May kabuuang 404,370 indibidwal naman o 105,241 pamilya ang apektado sa 1,115 barangay sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera. RNT/SA