Inilipat na P152M secret funds, ipaglalaban ng Senado sa bicam – Gatchalian

Inilipat na P152M secret funds, ipaglalaban ng Senado sa bicam – Gatchalian

November 28, 2022 @ 2:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na ipagtatanggol ng Senado ang paglilipat ng P152 milyong confidential and intelligence funds (CIF) sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahaaan sa gaganaping bicameral conference committee meeting sa panukalang 2023 national budget.

Sa interview, sinabi ni Gatchalian na nakahanda ang Senado na ipagtanggol ang napagkasunduan sa plenaryo kaya marapat na kakatuwiranan ng nagbawas o nagdagdag ang naturang realignment.

“Dahil Senado ang nag-tapyas ng confidential funds, obviously ipaglalaban ‘yan ng nag-approve o nagdagdag. So doon pag-uusapan ano ba ang justification,” giit niya

“Pangalawa, saan kukunin ang pondo? Dahil tinapyasan, inilagay na sa ibang programa, hindi mo naman pwedeng tanggalin ‘yung pondo sa ibang programa dahil kawawa naman ‘yung ibang programa,” paliwanag pa ni Gatchalian.

Ilan sa confidential funds na inilipat at inaprubahan ng Senado ang mga sumusunod:

P100 million mula sa Department of Education

P5 million sa Department of Foreign Affairs

P19.2 million sa Department of Justice

P2 million a Department of Social Welfare and Development.

P6 million mula sa iba pang executive offices

P20 million sa Office of the Ombudsman

Sa unang araw ng pulong ng bicameral conference committee, sinabi ni Angara na mainit ang debate sa CIF pero nagtitiwala itong mareresolbahan ang lahat.

Kaugnay nito, itinalaga naman ng Senado at Mababang Kapulungan sina Angara at House appropriations committee chairman Elizaldy Co na pag-usapan at pagkaisahin ang kanilang bersiyon.

Sinabi ni Angara na inaasahan ng Kongreso na magkakaroon ng reconciled version ng 2023 budget sa susunod na linggo.

Umaasa naman ni Senador Risa Hontiveros na pananatilihin ng bicameral conference committee ang pondong inilipat ng minorya.

Nagtitiwala din siya kay Angara na maipagtatanggol nito ang amyenda sa pinal na bersiyon ng 2023 budget. Ernie Reyes