Inireklamong mga opisyal ng DSWD, ibinalik na sa pwesto

Inireklamong mga opisyal ng DSWD, ibinalik na sa pwesto

November 7, 2022 @ 6:38 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinalik na sa pwesto makaraang alisin kamakailan, ang dalawang regional official ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Calabarzon na inireklamo ng alkalde ng Noveleta, Cavite dahil umano sa sandamakmak na hinihingi sa kanila bago ibigay ang relief goods sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Paeng.

Ito ang inihayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo nitong Lunes, Nobyembre 7 kung saan lumabas sa imbestigasyon na nagkaroon lamang umano ng hindi pagkakaunawaan at ginawa naman ng dalawang opisyal na kinilalang sina regional director Barry Chua at assistant director Mylah Gatchalian ang kanilang tungkulin ng maayos.

Dahil dito ay inilabas din agad ang return to work order para sa dalawa.

“I believe there was just some miscommunication kaya hindi naintindihan ng ating kababayan na sabi ni mayor kung ano-ano hinihingi namin. Either or. Kung wala kang ID, dapat nasa listahan ka naman para may maipakita kami sa COA (Commission on Audit) kapag kami ay in-audit,” pahayag ni Tulfo.

Bahagi rin umano ng proseso ang magpakita ng mga dokumento katulad ng hinaing ni Noveleta mayor Dino Chua.

Kailangan din umanong tingnan ang pagkakakilanlan ng mga kukuha ng ayuda. RNT/JGC