Inisyal na pinsala sa agrikultura sa bagyong Karding nasa P141.38M – DA

Inisyal na pinsala sa agrikultura sa bagyong Karding nasa P141.38M – DA

September 26, 2022 @ 6:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P141.38 milyon ang inisyal na halaga ng pinsalang idinulot ng bagyong Karding sa sektor ng agrikultura.

Ito ang sinabi ng Department of Agriculture ngayong Lunes, Setyembre 26 kung saan sakop ng initial assessment nila ang 16,229 hektarya ng mga lupain sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Central Luzon at Calabarzon.

Kung susumahin, katumbas ito ng 5,866 metriko toneladang pagkawala sa produksyon ng bigas, mais at high value crops samantala nasa 740 magsasaka naman ang apektado dahil dito.

“These values are subject to validation. Additional damage and losses are expected in areas affected by ‘Karding’,” ayon sa DA.

Bilang tugon, tutulong naman ang Kagawaran sa lahat ng mga apektadong magsasaka at mangingisda at ito ay ang pamamahagi nila ng nasa 133,240 bag ng buto ng palay, 5,279 buto ng mais at 4,911 kilo ng assorted vegetable seeds.

Mga gamot, fingerlings at iba pang tulong naman ang ibibigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa mga mangingisda. RNT/JGC