Initial findings sa PDL cadavers, karamihan undiagnosed, ‘di nagamot – Remulla

Initial findings sa PDL cadavers, karamihan undiagnosed, ‘di nagamot – Remulla

January 23, 2023 @ 5:33 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Lumitaw sa inisyal na resulta sa isinagawang autopsy sa mga bangkay ng mga persons deprived of liberty (PDLs) ng New Bilibid Prison na karamihan sa kanila ay may undiagnosed diseases at hindi na nagamot pa.

Ito ang ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Enero 23 kung saan karamihan umano sa mga ito ay namatay dahil sa tuberculosis at cancer.

“Most of the people who died had tuberculosis, had lung disease, and many of them had cancer. Maraming diseases na left untreated and undiagnosed dito po sa loob,” ani Remulla.

Matatandaan na noong Nobyembre ay naibalita ang nasa 200 bangkay sa isang punerarya sa Muntinlupa City na awtorisado ng Bureau of Corrections.

Ang mga ito ay bangkay ng mga nasawing PDL na hindi pa nakukuha ng kani-kanilang mga pamilya.

Isinailalim ang mga ito sa autopsy upang matukoy kung ano ang dahilan ng kanilang kamatayan, habang ang iba naman ay kinailangan nang ilibing.

Nang tanungin naman kung posible ba ang foul play sa kamatayan ng mga ito, sagot ni Remulla:

“Nothing [is] conclusive yet.”

“Syempre general conclusion muna. “Wala naman tayong inimbestigahan na foul play. Ang ating tinitignan talaga eh syempre bakit tumagal nang ganun,” dagdag niya.

Samantala, naghahanap na ng paraan ang ahensya na maiwasan ang pagkamatay ng mga PDL sa NBP dahil sa kakulangan ng medikal na atensyon.

“Isa ‘yun sa mga problema na dapat ho natin i-address, and meron kaming steps na ginagawa ni DG (Director General Gregorio) Catapang about this matter which you will see in the next few months. Meron po kaming ia-address dito na needs ng mga PDL,” tugon ni Remulla. RNT/JGC