Iniwang dugyot, wasak na evacuation center ikinagigil ni Biazon

Iniwang dugyot, wasak na evacuation center ikinagigil ni Biazon

November 2, 2022 @ 12:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ikinadismaya at ikinagigil ni Muntinlupa City Mayor Rozzano “Ruffy” Biazon ang nakitang larawan ng isang pampublikong paaralan sa lungsod na iniwan na lamang na dugyot at may mga sira matapos gamiting evacuation center sa kasagsagan ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng.

Sa kanyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 1, ipinakita niya ang mga larawan ng sirang chalkboard at kalat kung saan-saan.

“Yan ay mga pictures ng eksena sa isa nating paaralan na ginamit bilang evacuation site nitong nakaraan na bagyong si Paeng,” sinabi ni Biazon.

Ipinaliwanag din niya na talagang iniiwasan ng lokal na pamahalaan na gamitin ang mga paaralan bilang evacuation sites dahil nagugulo ang pasilidad at naaapektuhan pa ang pag-aaral ng mga bata.

Sa kabila nito, hiniling ni Biazon at ng lokal na pamahalaan sa Department of Education (DepEd) Division Office na payagan silang gamitin ang paaralan bilang evacuation center dahil ang ibang lugar ay puno na.

Kagyat naman itong pinayagan ng DepEd Division Office.

“Ngunit ano ang naging kapalit nito? Ang pagsira ng mga pasilidad at walang pakialam na iniwang nakakalat ang basura sa paaralan,” paghahayag ni Biazon ng sama ng loob.

“Galit ako sa mga gumawa nito at sa mga responsable sa pangyayaring ito. Titiyakin kong may mananagot dito,” dagdag niya. RNT/JGC