Insentibo palit-pagpapabakuna, pinag-aaralan ng MM mayors

Insentibo palit-pagpapabakuna, pinag-aaralan ng MM mayors

June 1, 2021 @ 9:12 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng mga Metro Manila mayor ang pagbibigay ng magkakaparehong insentibo para makumbinsi ang mas marami pang mamamayan na magpabakuna kontra coronavirus disease o COVID-19.

Ito ang napag-alaman kay Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, sa panayam ng isang programa sa teleradyo ng ABS-CBN, na nagsabing ang ilang local government units (LGUs) ay nagsimula ng magsagawa ng raffle draws para mahikayat lamang ang mga residente na magpabakuna.

Sinabi ni Olivarez na napag-usapan na ng mga metro mayor kung magsasagawa ng raffle draws o bigyan na lamang ng ibang paraan ng insentibo ang mga residente para mahikayat ang mga ito na magpabakuna.

Idinagdag pa ni Olivarez na magkakaisa ang MMC na maglabas ng isang uniform policy sa pagbibigay ng insentibo sa mga residente na magpapabakuna.

“Ang ibang LGU nag-umpisa nang magpa-raffle para ma-encourage (ang pagpapabakuna). Pinag-uusapan po para uniform ang policy,” ani Olivarez.

Napagkasunduan din sa MMC na panatilihin ang pagsasailalim ng National Capital Region (NCR) sa general community quarantine (GCQ) na mayroong heightened restrictions ngunit itinutulak ang pagbubukas ng mas marami pang negosyo.

Sinabi ni Olivarez na kabilang sa napagkasunduan sa MMC ay ang pagbubukas ng meeting centers, conferences at exhibits na mayroong limitadong kapasidad lamang.

Kasabay nito ay isinulong din ng MMC ang mahigpit na pagpapatupad at implementasyon ng standard health protocols gayundin ang pananatili ng 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga na curfew hours sa NCR.

“Di po tayo pwede mag-relax. Alam po nating bumababa ang cases at utilization ng healthcare pero ‘di po tayo kailangan mag-relax para totally ma-contain ang COVID na ito,” pagtatapos ni Olivarez.  James I. Catapusan