Insentibo sa Pinoy filmmakers na makapapasok sa Oscars ipinanukala

Insentibo sa Pinoy filmmakers na makapapasok sa Oscars ipinanukala

October 4, 2022 @ 12:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Upang mahikayat pa ang mga Filipino filmmakers na pagbutihan ang kanilang craft at pumantay sa panuntunan ng Oscars, isang panukalang batas ang inihain ni  Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar na naglalayong bigyan ng incentives ang mga filmmakers ng bansa.

Sa inihaing House Resolution 451 ay hinimok ni Villar ang House Committee on Creative Industry and Performing Arts na tutukan ang Philippine cinema upang makapanalo sa nominasyon sa prestisyosong Academy Awards (Oscars) na ibibinigay ng Academy for Motion Picture Arts and Sciences for Best International Feature Film.

“There is a need to assess the overall situation of the Philippine cinema and movie industry, and if possible, create a seed fund or increase the allocation for the Film Development Council of the Philippines’ (FDCP’s) Oscars Assistance Program for the development and marketing campaigns of world-class Filipino films to be sent to the Academy,” pahayag ni Villar.

Aniya, ang mga ganitong insentibo ay maaaring magamit para sa promotional materials para mapansin ang bansa sa Academy.

Ang panawagan ng mambabatas ay kasunud ng nominasyon ng bansa sa pelikula ni Director Erik Matti na On the Job: The Missing 8 bilang  official entry para sa Best International Feature Film para sa nalalapit na 95th Oscar Awards.

Ang On the Job ay ipinambato na din ng bansa sa 78th Venice International Film Festival noong nakaraang taon kung saan nanalo ang aktor na John Arcilla bilang Best Actor sa kanyang pagganap bilang Sisoy Salas. Ang nasabing pelikula ay una na ding binigyan ng standing ovation sa Venice.

Ani Villar maraming pambato ang bansa na mga magagaling na aktor, direktor at magagandang pelikula patunay na dito ang mga awards na nakuha sa international film festivals sa Berlin, Venice  Cannes at Netherlands subalit wala pang nashortlist sa Academy Awards o Oscars.

Noong 94th Academy Awards ay walang naging entry ang bansa dahil na rin sa kakapusan ng budget kaya naman umaasa si Villar na sa pamamamagitan ng pagbibigay ng incentives ay mas matutukan ng bansa ang pagsali sa Oscars.

“Securing a nomination, win or even a shortlist in the prestigious Oscars will put the Philippines on the map for world-class talents, thus potentially opening more employment and livelihood opportunities for Filipinos,” pagtatapos pa nito. Gail Mendoza