Inside job sa palpak na IT system ng LTO, itinanggi

Inside job sa palpak na IT system ng LTO, itinanggi

September 8, 2022 @ 10:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Itinanggi ng Land Transportation Office ang  alegasyon na mayroon  nanabotahe o may ‘inside job’ na nangyari sa naranasang pagbagal ng sistema o  ‘system slowdown ng ahensya.

Binigyang-diin ni Claudio Bonsol, ang OIC Chief ng LTO-Management Information Division, patuloy pang iniimbestigahan ng mga eksperto ang tunay na dahilan ng pagbagal ng IT system ng ahensya.

“Kailangan nating kumpirmahin muna kung ano ang nangyari talaga bago tayo maglabas ng konklusyon,” saad ni  Bonsol.

Sa katunayan ay hiniling na ng LTO sa mga eksperto ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na tumulong sa pagsisiyasat ng sitwasyon upang agad na maibalik ang normal na operasyon at mga transaksyon.

Sa ngayon ay sinisikap ng LTO na magpatuloy pa rin ang mga transaksyon sa kabila ng mabagal na pagproseso.

Sinabi ni Director Francis Ray Almora, ang Chairperson Steering Committee ng Bids and Awards Committee, na pinalawig na rin naman ng LTO ang mga deadline ng pagpaparenew ng rehistro ng mga sasakyan at ng mga lisensya ng pagmamaneho.

May mga ginagawang hakbang na rin aniya sa mga tanggapan ng LTO na upang hindi masyadong humaba ang pila at matagalan sa paghihintay ang publiko.

Muling umaapela ng pag-unawa at pagpapasensya ang LTO sa publiko hinggil sa nararanasang “system slowdown.”

Samantala, iginiit ni Atty. Zoj Daphne Usita-Angustia, ang Vice Chairperson ng Steering Committee, na walang sinisisi ang LTO sa sitwasyon sa ngayon dahil nagpapatuloy pa ang pagsisiyasat.

Nabatid na  dalawang pulong na ang isinagawa kasama ang IT partner ng LTO na Dermalog upang mahanapan ng solusyon ang mga problema sa automated system na pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Sinabi ni Atty. Usita-Angustia na mananatiling bukas ang LTO sa pakikipagtulungan sa IT partner nito upang agarang maresolba ang problema. Jan Sinocruz