Insidente ng hazing sa Cebu pinaiimbestigahan din ni Remulla

Insidente ng hazing sa Cebu pinaiimbestigahan din ni Remulla

March 3, 2023 @ 4:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipinag-utos na rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang isa pang hinihinalang hazing incident sangkot ang isang estudyante sa Cebu.

Ani Justice spokesperson Mico Clavano nitong Biyernes, Marso 3, inatasan na ni Remulla si NBI director Medardo De Lemos na silipin ang hazing ng estudyante mula Cebu na si Ronnel Baguio kasabay ng imbestigasyon sa hazing incident ng estudyante mula Adamson University na si John Matthew Salilig.

“Kumbaga sabay po ‘yung naging instruction ni SOJ to conduct an investigation with regards to the Cebu incident and the incident here in Manila,” aniya.

Kasunod nito, ipinanawagan ng ina ni Baguio nitong Huwebes, Marso 2 ang pag-usad ng kaso ng kanyang 20-taong gulang na anak, kasabay ng press conference ng Public Attorney’s Office.

Si Baguio ay nasawi noong Disyembre 2022 dahil sa Severe Acute Respiratory Distress Syndrome Secondary to Indirect Lung Injury, Acute Kidney Injury secondary to Rhabdomyolysis, at Acute Kidney Injury secondary to Rhabdomyolysis.

Samantala, nitong Martes naman, Pebrero 28 ay natagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Salilig na nakabaon sa bakanteng lote sa Imus, Cavite.

Nitong Huwebes, naghain na ang Binan City police ng reklamong paglabag sa Anti-Hazing Law laban sa anim na indibidwal na sangkot sa pagkamatay ni Salilig.

Ani Clavano, hinihintay na lamang ng Department of Justice ang initial report mula sa NBI.

Pinag-usapan din umano ng dalawa kung paano palalakasin ang Anti-Hazing Law.

“I’m sure the secretary will be very cooperative if ever they were to ask or request for opinion from the DOJ with regards to strengthening hopefully this Anti-Hazing Law ho natin,” sinabi pa ni Clavano. RNT/JGC