Insidente ng indiscriminate firing naitala sa Mindoro

Insidente ng indiscriminate firing naitala sa Mindoro

January 1, 2023 @ 2:04 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ng isang kaso ng indiscriminate firing incident ang Philippine National Police sa Mamburao, Occidental Mindoro.

Ito ang sinabi ng PNP nitong Linggo, Enero 1 sangkot ang isang sibilyan batay sa kanilang monitoring mula Disyembre 31, 2022 hanggang ngayong araw.

“Isang sibilyan ang suspek at siya naman po ay nahuli [ng mga kapitbahay] at agad na naaresto ng ating kapulisan na rumesponde,” pagbabahagi ni
PNP Public Information Office chief Police Colonel Red Maranan sa panayam ng DZBB.

“Itong tao na ‘to ay nagpaputok sa kanyang bakuran at naitawag ng kanilang mga kapitbahay, agad namang napuntahan ng pulis at agad naman nahuli,” dagdag pa niya.

Patuloy pang kumakalap ng impormasyon ang PNP kaugnay ng iba pang ulat ng walang habas na pagpapaputok ng baril.

Matatandaan na naka-full alert status pa rin ang PNP hanggang Enero 6 upang masiguro ang seguridad ng publiko, nangangahulugan na 85% ng mga tauhan nito ang naka-duty.

“Sa ngayon, wala pong pumapasok na reports sa atin na mga significant incident, maliban diyan sa isang insidente ng indiscriminate firing,” ani Maranan. RNT/JGC