Insidente ng permit to campaign fee ng NPA, nabawasan na 

Insidente ng permit to campaign fee ng NPA, nabawasan na 

May 6, 2022 @ 2:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nabawasan na ang mga insidente ng permit to campaign fee na itinatakda ng New People’s army (NPA) para sa mga kandidatong nais makapangampanya. 

Sinabi ni Defense Chief Delfin Lorenzana sa Laging Handa public briefing na ang pagkakabawas sa insidente ay bunsod na rin ng dami ng mga sumukong miyembro ng NPA sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Lorenzana, nasa 24 na libo ang kabuuang mga nagsisukong NPA sa panahon ng kasalukuyang Administrasyon dahilan upang mas humina ang pwersa nito at makabawas sa iligal na permit to campaign fee ng armadong grupo. 

“Nabawasan na! Sa tingin ko itong eleksiyon na ito, kaunti na lang iyan kasi karamihan nga, sabi ko sa iyo kanina, ay nag-surrender na iyan. Napakalaki ng hinina nila. Napakalaki! Kasi as of yesterday na nag-bi-briefing sa akin iyong ELCAC ay 24,000 na iyong surrenderees. Iyong armado at saka iyong masa. Kasi iba-iba iyan, mayroong armado, mayroong masa – 24,000 [surrenderees] na,” ani Lorenzana.

“Ito iyong mga kusang bumabalik sa gobyerno iyong armado, kasama iyong mga armas nila. And the government is taking care of them. Talagang binibigyan sila ng mga benepisyo – pabahay, mga hanapbuhay, medical care at saka education ng mga anak nila,” anito sabay sabing ‘So, humina na sila. Out of the 81 guerilla fronts ay na-neutralize na natin iyong mga 47. So, kaunti na lang [ang strength nila].”

Kung may mga insidente man aniya na ganitong iligal na aktibidad ng NPA, mabibilang na lamang ito sa mangilan- ngilang lugar sa bansa. 

Ito ayon kay Lorenzana ay nasa Samar,  Negros,  Bicol at mayrun ding kaunti sa Cagayan Valley. 

“So, [ang] nakikita ko lang dito, siguro sa Samar mayroon diyang mangyayari; sa Negros; kaunti diyan sa Bicol and then kaunti diyan sa Cagayan Valley. Pero all others siguro, wala na,” ayon sa Kalihim. Kris Jose