Installation ni Bishop Pabillo bilang Apostolic Vicar ng Taytay, Palawan itinakda sa Agosto 19

Installation ni Bishop Pabillo bilang Apostolic Vicar ng Taytay, Palawan itinakda sa Agosto 19

July 6, 2021 @ 1:31 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Itinakda  sa Agosto 19,2021  ang pagtatalaga kay Bishop Broderick Pabillo bilang bagong pinuno ng bikaryato.

Ito ang ibinahagi ngayon ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan .

Sinabi ni Fr. Rey Aguanta, kasalukuyang tagapangasiwa ng apostolic vicariate sa panayam ng  Radio Veritas kay Fr. Rey Aguanta, na  patuloy ang paghahanda ng bikaryato lalo’t marami ang kinokonsidera dahil sa kasalukuyang sitwasyon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Patuloy din anang pari ang kanilang koordinasyon sa lokal na pamahalaan para paghandaan ang pagdating ng mga panauhin na nais makiisa at dumalo sa pagtatalaga kay Bishop Pabillo.

Ang inisyal na napagkasunduan petsa at oras ay sa August 19 ganap na alas nuwebe ng umaga para sa pagtatalaga sa  St. Joseph the Worker Cathedral sa Taytay Palawan.

Sa hiwalay na panayam ng himpilam kay Bishop Pabillo ibinahagi nitong sa ikalawang linggo ng Agosto ay tutungo na ito sa Palawan upang paghandaan at makipagkita sa mga pari ng bikaryato.

Tiniyak naman ng apostolic vicariate ang mahigpit na pagsunod sa mga safety health protocol upang mapanatili ang kaligtasang pangkalusugan ng mga dadalo sa pagluklok ng bagong obispo ng Taytay Palawan.

Matatandaang Hunyo 29 kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo at pagdiriwang ng Popes Day ay inanunsyo ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang appointment ni Bishop Pabillo bilang Apostolic Vicar ng Taytay Palawan na sede vacante mula pa noong 2018.

Bukod kay Bishop Pabillo, itinalaga rin si Msgr. Noel Pedregosa bilang obispo naman ng Malaybalay.

Sa kasalukuyan apat pa rin ang bakante sa bansa ang Archdiocese ng Capiz, Diocese ng Alaminos, Apostolic Vicariate ng San Jose Mindoro at Apostolic Vicariate ng Calapan na pansamantalang pinangasiwaan ni Fr. Nestor Adalia mula pa noong 2018 dahil sa karamdaman ni Bishop Warlito Cajandig. Jocelyn Tabangcura-Domenden