Inter-agency itatayo ng DSWD sa mga batang lansangan

Inter-agency itatayo ng DSWD sa mga batang lansangan

November 11, 2022 @ 6:16 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Bubuo ng inter-agency ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matulungan ang mga street children na pakalat-kalat sa lansangan sa Metro Manila.

Sa National Press Club of the Philippines (NPC) forum, sinabi ni DSWD Usec. Edu Punay na mayroong programa ang ahensya para sa mga bata kung saan may ilalagay na pasilidad na kailangang mag-aruga sa kanila.

Aniya, mayroong ipatutupad na “3 strict strike policy” ang gobyerno sa proposed guidelines na kapag talagang pabalik-balik ang mga street children ay kukunin na sila sa kanilang mga magulang at ilalagay sa foster care ng ating gobyerno.

“Ang implementation po nito naman ay kailangan ang partnership ng local government units po dahil talagang kailangan natin ng hand-in-hand na implementation nito and in the first place sa kanila po ang jurisdiction and isu-supplement lang natin o tutulongan lang natin ang LGU na mag-implement po nito,” saad ni Punay.

Ang mga street children ay karaniwan nang nagiging problema sa ilang mga LGUs na paulit-ulit na ring sinasagip sa lansangan ngunit kalaunan ay bumabalik din upang manlimos. Jocelyn Tabangcura-Domenden