Interment services sakop ng senior discount – SC

Interment services sakop ng senior discount – SC

March 16, 2023 @ 5:59 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Idineklara ng Supreme Court (SC) na sakop pa rin ng 20% senior citizens’ discount ang paglilibing o funeral and burial services.

Sa desisyon na pinonente ni Associate Justice Rodil Zalameda, kinatigan nito ang petition for certiorari na inihain ng Office of the Senior Citizens Affairs at Department of Social Welfare and Development.

Isinantabi ng SC ang resolusyon ng Cagayan de Oro City Regional Trial Court (RTC) Branch 17 noong 2018 na nagsasabing hindi pasok ang interment services sa Senior Citizens Act.

Nakasaad sa resolusyon na isinabatas ang Senior Citizens Act para maglaan ng maraming benepisyo sa mga Filipino citizens na 60-taong gulang pataas.

Ayon sa SC, bagaman hindi eksaktong isinasaad sa dalawang amending laws ng Senior Citizens Act (RA 9257 at RA 9994) ang depinisyon ng “funeral and burial services”, hindi rin naman limitado ang saklaw ng benepisyo sa ilalim ng naturang serbisyo.

Ipinunto rin ng SC na ang “burial services” ay maaring ituring na anumang serbisyo na may kaugnayan sa paglilibing o “interment of human remains”.

Binigyan-diin ng mataas na hukuman na ang pagbubukod ng RTC sa pagbibigay ng discount sa interment services ay hindi nakasaad sa batas. Teresa Tavares