Internal cleansing ng pulisya, ipinasisilip ng Senado

Internal cleansing ng pulisya, ipinasisilip ng Senado

August 7, 2018 @ 1:52 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan sa senado ang isinasagawang internal cleansing ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang hanay.

Naghain ng proposed inquiry ang anim na opposition senators – Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Antonio Trillanes IV, Risa Hontiveros, Bam Aquino at Leila de Lima.

Sa ipinasa nilang Senate Resolution No. 822, , ipinag-uutos ng mga senador sa Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo Lacson na imbestigahan ang bagong inilunsad na programa ng pulisya na ‘Revitalized PNP Internal Cleansing Strategy’.

“In view of the recent spate of crimes involving police personnel, the Senate recognizes that it is important to inform the public on said revitalized strategy of cleansing their ranks, demand accountability from the PNP, and reassure the public that our PNP personnel will be more committed in the discharge of their duty to serve and protect the people,” anila.

Matatandaang noong inilunsad nito ay ipinaliwanag ni PNP spokesman, Senior Superintendent Benigno Durana, na sa ilalim nito ay mahahati sa tatlo ang bagong paglilinis sa hanay ng PNP: ang preventive, punitive, at restorative.

Sa preventive approach, mas matinding babala at pagpipigil ang ibibigay ng PNP sa kanilang mga tauhan na sangkot at may balak na madawit sa katiwalian habang sa punitive approach, tiyak nama na maparurusahan ang mga pulis na muling gagawa ng kalokohan.

Sa restorative approach naman, isasalang sa spiritual cleansing ang mga pulis na dating naiulat na gumagawa ng katiwalian.

Sa huling tala ng pulisya ay may 1,828 police personnel na ang sinibak sa kanilang serbisyo mula noong January 2016 hanggang June 2018 dahil sa mga iligal na aktibidad. (Remate News Team)