International Space Station babagsak anomang araw – Russia

International Space Station babagsak anomang araw – Russia

March 14, 2022 @ 12:15 PM 4 months ago


MOSCOW – Inihayag ng Russia na anomang araw, maaaring babagsak sa lupa ang 500 toneladang International Space Station dahil sa sanctions o parusa sa Russia kaugnay ng giyera nito sa Ukraine.

Inilabas na ng Russia, lalo na ang kompanyang Roscosmos na nagpapalipad ng space craft patungo sa ISS, ang pangamba nitong nakaraang buwan at inulit ito ngayon.

Ayon kay Dmitry Rogozin, pinuno ng Roscosmos, 11 beses sa loob ng isang taon ito naglulunsad ng space craft para ayusin ang orbit ng ISS, lalo na sa parte nitong nakalaan para sa Russia ngunit hindi makapagpalipad ito dahil isinama sa sanction o parusa ang launcher nito.

Kasama sa mga dinadala ng Roscosmos ang mga crew na pumapalit sa mga matagal nang nakatalaga sa station, gayundin ng supplies sa mga ito at mga gamit na kailangan ng istasyon.

Napag-alamang sinosolo ngayon ng US ang pag-aayos sa tamang orbit o daan sa kalawakan ang ISS kahit wala ang Russia ngunit nangangamba ang Russia na hindi sapat ito para panatilihin sa tamang landas ang space station at maprotektahan mula sa mga gumagalaw at nagkalat na debris sa kalawakan.

Kung babagsak ang ISS, hindi umano tatama sa Russia kundi sa ibang mga lugar.

Unang nagkaroon ng sanction mula sa US, Canada at European Union sa Roscosmos nitong nakaraang taon at naulit ngayong may Russia-Ukraine war ngunit tinawag itong wala sa katinuan.

Umaapela na ang nasabing kompanya sa tatlong bansa na tanggalin na ang sanction para makatulong ito sa pagsasaayos ng orbit ng istasyon. RNT