Inumagang umuwi; pulis patay kay misis

Inumagang umuwi; pulis patay kay misis

December 19, 2022 @ 12:50 PM 1 month ago


PALO, Leyte- PATAY ang isang pulis matapos salubungin ng saksak ng galit na galit na misis makaraan umuwi ng madaling-araw sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Police Staff Sergeant Kerwin Pasana, 47 anyos, nakadestino sa Regional Headquarters Support Unit habang nadakip naman ang suspek at misis nitong si Ronalyn Pasana, 33, kapwa residente sa Zone 6 Saturn, Barangay Pawing, Palo, Leyte.

Batay sa report ng Palo Municipal Police Station, dakong 2:00 AM ng maganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-asawang Pasana.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang biktima sa kanilang bahay at sinalubong ito ng galit na misis na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang misis nito at pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.

Narinig naman ng kapatid ng biktima na si Marlon ang komosyon sa loob ng bahay kaya dali-dali niyang itong tinignan at nakita na lamang niya ang kapatid na naliligo sa sariling dugo.

Agad naman siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad at dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doctor.

Kasalukuyan naman nakakulong sa lock-up facility ng nasabing istasyon ng pulisya ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso./Mary Anne Sapico