Inuupahang bahay sinunog, aircon technician arestado!

Inuupahang bahay sinunog, aircon technician arestado!

May 8, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga pulis ang isang 52-anyos na aircon technician matapos silaban ang kanyang inuupahang bahay sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina Jr, inaresto ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/MSgt. Julius Mabasa si Peter Delos Reyes matapos akusahan ng kanyang landlady na si Fe Paredes, 70, na sinadyang sunugin ang inuupahan niyanh bahay sa 149 5th Street corner 7th Avenue, Brgy. 112 dakong  alas-6:33 ng gabi.

Sa pahayag sa pulisya ni Paredes na nakatira din sa nasunog na bahay na ginagamit ni Delos Reyes bilang aircon repair shop, bago ang insidente nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at kanyang ka-live-in na si Angelita Abaygan, 52.

Nakita din ni Paredes ang suspek na pabalik-balik sa kanyang aircon repair shop habang may bitbit na isang galon na may laman umanong flammable liquid bago sumiklab ang apoy.

Ani Caloocan Fire Director F/Supt. Roberto Samillano, Jr., napigilan ang pagkalat ng apoy sa mga katabing bahay dahil sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan Caloocan City Bureau of Fire Protection (BFP).

Naapula ang apoy dakong alas-7:04 ng gabi kung saan nasa humigi’t-kumulang sa P50,000 halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog habang wala naman napaulat na nasaktan o nasawi sa insidente. Boysan Buenaventura