‘Invasion of privacy’ sa National ID system, malabo – Drilon

‘Invasion of privacy’ sa National ID system, malabo – Drilon

August 7, 2018 @ 4:13 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Tiniyak ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi lalabagin ang mga pribadong accounts at malabo ang pinangangambahang invasion to privacy sa pagpapatupad ng national ID system sa bansa.

Kamakailan, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang National ID System upang magkaroon ng iisang sistema ng pagkakakilanlan ang lahat ng Filipino na maglalaman ng lahat ng numero sa SSS, PhilHealth, Pag-IBIG at iba pa.

“Hindi dapat mangamba ang mamamayan sa pagpapatupad ng National ID System dahil pawang simpleng data lang ang nilalalaman nito tulad ng mga government issued IDs kabilang ang driver’s licence, SSS at voter’s ID,” aniya.

Sinabi pa ni Drilon na may security features anbg national ID upang protektahan ang mamamayan na may hawak nito.

“Mahalagang magkaroon ng national ID system ang bawat mamamayang Filipino,” ayon kay Drilon.

Inihalimbawang biro pa ng senador ang Sabah Malaysia na saglit lamang ang biyahe sa bangka mula sa Tawi-Tawi kung saan malalaman lamang aniya ang isang residente sa Sabah ay Filipino kapag walang National ID.

Sinabi pa ni Drilon na malaking bagay ang national ID hindi lamang sa seguridad kundi para mapabilis rin ang transaksyon sa gobyerno lalo na sa mga social benefits partikular na ang mga mahihirap na Filipino.

Kaugnaya nito, ikinatuwa naman ni Sen. Sonny Angara ang paglagda ni Pangulong Duterte sa pagiging ganap na batas ang National ID System.

Naniniwala si Angara na ang National ID System ang siyang magwawakas sa nagaganap na bureaucratic red tape na nagpapahirap sa ating mga kababayan kung kaya’t pumapalpak ang serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.

Paliwanag ng senador kapag may National ID na ang isang indibidwal, hindi na ito mahihirapan pumasok sa anumang transaksyon tulad ng pagkakaroon ng bank accounts, SSS, Philhealth at iba pang transaksyon.

Dagdag pa ni Angara sa pagsasabatas ng National ID System sasabay na ang Pilipinas sa mga maunlad na bansa na mayroon din kahalintulad na sistema na siyang nagpapadali sa mga transaksyon at sa mga serbisyo ng gobyerno.

Isa si Angara sa may-akda Philippine Identification System Act. (Ernie Reyes)