Ipinatayong sewerage at solid waste treatment plant sa El Nido, pinuri ng DENR

Ipinatayong sewerage at solid waste treatment plant sa El Nido, pinuri ng DENR

April 7, 2022 @ 7:42 PM 3 months ago


PALAWAN –  Pinuri ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Acting Secretary Jim O. Sampulna ang lokal na pamahalaan ng Palawan at ang bayan ng El Nido dahil sa pagsisikap ng mga ito na makontrol at mabawasan ang polusyon sa tubig sa pamamagitan ng pagtatayo ng sewage at solid waste treatment plant (SSTP).

“I am calling all the governors around the Philippines to replicate what the Palawan and El Nido local governments have done here to improve the water quality and protect our coastal bodies,” saad ni Sampulna nang bumisita ito sa SSTP noong Abril 2.

Ayon sa DENR ang SSTP sa Barangay Villa Libertad ay idinesenyo at itinayo upang makontrol ang polusyon sa tubig mula sa ‘untreated sewage discharge’ at ‘garbage waste disposal.’

Napakikinabangan ito ng residential at commercial establishments mula sa 18 barangays at munisipalidad sa El Nido.

Kaugnay nito sinabi ng DENR ang pasilidad ay may kapasidad na linisin ang 2,400 cubic meters ng wastewater kada araw na mas episyente sa ibang STPs sa Palawan.

Kaya din nitong iproseso ang biodegradable solid waste at putik sa pamamagitan ng anaerobic digestion at nakagagawa din ito ng elektrisidad mula sa biogas production.

Ang state-of-the-art facility ay nagkakahalagang P490-million na pinagtulungang proyekto ng provincial government ng Palawan at munisipalidad ng El Nido.

Samantala ang Palawan Water, na isang water utility infrastructure project ng provincial government, ay nakapagtipid ng P170 million dahil na rin sa pro bono technical service.

Noong 2018 nang ipag-utos ang anim na buwang rehabilitasyon ng El Nido matapos matuklasan ang hindi tamang sewage discharge mula sa mga residente at commercial establishments na nakadadagdag sa pagkasira ng water quality ng isla.

Pinasinayaan ang pasilidad noong Setyembre 2021. Santi Celario