Ipupuslit na P1M droga napigilan sa pantalan

Ipupuslit na P1M droga napigilan sa pantalan

September 16, 2022 @ 3:54 PM 3 weeks ago


BACOLOD CITY-HINDI na nakarating pa sa kanyang pupuntahan ang isang lalaking pasahero ng roll-on-roll-off (roro) vessel matapos nakuhanan ng higit sa P1M halaga ng shabu, sa Bredco Port sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Martial Delos Santos, 49, ng Sitio Kaingin, Lapaz, Iloilo City.

Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Negros Occidental Seaport Interdiction Unit, dakong 2:00 PM ng madakip ang suspek sa terminal ng Roro sa naturang lugar.

Ayon sa pulisya, tumanggi si delos Santos na idaan sa scanner ang kanyang mga gamit kaya pinatabi ito ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa iba pang mga pasahero.

Pinaubaya ng PCG sa K-9 dog ang mga dalang gamit ng suspek at umupo ang K-9 sa bag ni delos Santos na nagpapahiwatig na may bitbit itong kontrabando.

Agad na binuksan ng mga awtoridad ang bag ng suspek at tumambad sa kanilang harapan ang nasa 150 gramo na shabu na nakalagay sa medyas at aabot sa halagang P1.02M.

Sinabi naman ng PDEA na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Iloilo na mayroong kontrabando patungong Dumangas.

Depensa naman ni delos Santos, may isang tao na kumausap sa kanya at tinanong kung saan ang kanyang destinasyon ay may ipapasabay na kargamento.

Sa pag-aakalang pulis ang kanyang kausap at pumayag naman siya dahil iisang lugar din ang pagbabagsakan ng kargamento at sinabihan siyang may sasalubong sa kanya at mag-aabot ng pera.

Dinala naman sa kustodiya ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency ang suspek para sa tamang disposisyon at imbestigasyon./Mary Anne Sapico