Irene Marcos Araneta, kinatawan ni PBBM sa libing ni  Queen Elizabeth II

Irene Marcos Araneta, kinatawan ni PBBM sa libing ni  Queen Elizabeth II

September 19, 2022 @ 7:00 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Tatayong special representative ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang kapatid na si Irene Romualdez Marcos- Araneta sa state funeral ng Kanyang Kamahalan Queen Elizabeth II.

Kasama ni  Irene Romualdez Marcos- Araneta ang kanyang asawa na si  Gregorio María Araneta III.

Sa isang kalatas, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles,  ang mag-asawang Irene Romualdez Marcos-Araneta at kanyang esposo ang dadalo sa nasabing  state funeral na magsisimula sa  lying-in-state  ng Reyna na mangyayari, araw ng Linggo  (London time).

Araw ng Linggo, (Philippine time), Setyembre 18 ay lumipad  na kasi si Pangulong Marcos tungong Estados Unidos para dumalo sa ika-77 United Nations General Assembly (UNGA) na may temang “Watershed Moment, Transformative Solutions to Interlocking Challenges”
na gaganapin sa New York.

Ang Pangulo ay inaasahang magsasalita sa harap ng mga lider ng iba’t ibang bansa  sa dadalo sa taunang UNGA sa Setyembre 20 ng alas-3:15 ng hapon, oras sa New York o alas-3:13 ng hapon sa Pilipinas.

Inaasahang tatalakayin ng Pangulo sa kanyang pananalita ang isyu ng climate change, rule of law, at food security.

Nakatakda namang bumalik ang Pangulo sa Setyembre 24.

Matatandaang, nakiisa si Pangulong Marcos sa ibang lider ng buong mundo na nagluluksa sa pagpanaw ni Queen Elizabeth II na pinakamatagal na namunong British monarch.

Inilarawan ni Marcos ang pagkamatay ng 96-taong-gulang na monarko bilang isang malaking kawalan sa buong mundo.

Sinabi ni Marcos na labis siyang nalungkot sa pagkamatay ni Queen Elizabeth II. “It is with profound sadness that we receive the news of the passing of Her Majesty Queen Elizabeth II in Balmoral Castle yesterday evening,” ani Marcos.

Sinabi ni Marcos na maaalala ang reyna sa pagpapakita ng dakilang dignidad ng isang tunay na monarko, pagtupad sa tungkulin, at debosyon sa lahat ng nasa kan­yang nasasakupan.

Ayon pa kay Marcos, ang sambayanang Pilipino at ang mga nagtatrabaho sa England bagaman at hindi sakop ng Reyna, ay nagkakaroon ng matinding pagma­mahal kay Queen Elizabeth bilang isang Reyna, bilang ina, at bilang isang lola.

Si Queen Elizabeth II, ang pinakamatagal na mo­narko ng Britain ay namatay nang mapayapa noong Huwebes ng hapon sa Balmoral Castle, ang kanyang tahanan sa Scotland, ayon sa isang pahayag ng Bucking­ham Palace.

Ang kanyang huling pagpapakita sa publiko ay noong Platinum Jubilee noong Hunyo. Ang reyna, na naluklok sa trono noong 1952 pagkatapos mamatay ng kanyang ama at naghari sa loob ng pitong dekada.

Siya at ang kanyang yumaong asawa, si Prince Philip ay may apat na anak – si Prince Charles, ang taga­pagmana ng trono; Princess Anne; at Prince Andrew at Edward. Kris Jose