IRR NG “ANTI-CHILD MARRIAGE LAW” INILABAS NA

IRR NG “ANTI-CHILD MARRIAGE LAW” INILABAS NA

December 14, 2022 @ 12:28 AM 2 months ago


PIRMADO na ng iba’t bang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development ang IRR o ang implementing rules and regulations ng Republic Act No. 11596 o ang “prohibiting the practice of child marriage” na noong December 10, 2021 pa nalagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ipinagbabawal ng batas ang pagpasok ng isang menor de edad o kanyang mga magulang o guardian sa anomang seremonya ng pagpapakasal na pinaniniwalaang nakasasama sa kabuuang pag-unlad ng pagkatao ng isang bata na maging produktibong mamamayan ng bansa. 

Parurusahan sa ilalim ng batas ang mga taong sangkot sa child marriage ng prison mayor at multang hindi bababa sa Php 40,000.

Kabilang din ang magsasagawa ng seremonya at ang adult partner na may kinakasamang menor de edad, may multa itong hanggang P50,000.

Kung magulang, adoptive parent, step parent o guardian ang sangkot, maliban sa pagkakulong at multang hanggang P50,000, mawawala rin ang kanilang parental authority sa bata.

Sakop din ng parusa ang mga gumagawa ng pekeng mga dokumento o magpapalit ng datus ng mga dokumento katulad ng birth certificates, affidavits of delayed registration of birth, at foundling certificates na babaguhin ang tunay na edad ng bata para sa pagpapakasal.

Maliban sa DSWD, kasama rin sa magpapatupad ng batas ang Council for the Welfare of Children, Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Department of Education, Department of Health; Philippine Commission on Women, Commission on Human Rights, National Commission on Muslim Filipinos, National Commission on Indigenous Peoples at ang Supreme Court of the Philippines.

Pagtitiyak din ng DSWD, sasabayan nila ang implementasyon ng batas ng mga programa na may kinalaman sa legal and counselling services, direct access to health and psychological services, educational programs, skills development, livelihood assistance, at iba pang interventions para lalong ma-protektahan ang mga bata sa child marriage.

Kinikilala ng UNICEF o United Nations International Children’s Fund ang child marriage bilang isang porma ng human rights violation. Ayon sa 2017 Philippine National Demographic and Health Survey, isa sa bawat anim na batang babae ang ikinakasal bago pa maging 18 years old. Kadalasang nangyayari ang child marriage sa ilang mga katutubong grupo sa bansa at sa mga Muslim communities sa bansa.

Bago ang anti-child marriage law, nasa ranggong pang-labingdalawa ang Pilipinas sa dami ng mga batang ikinakasal. Inaasahan ng DSWD at iba pang mga kaugnay na ahensya na matitigil na ang ganitong pang-aabuso sa mga bata.