IRR para sa Foundling Law pirmado na

IRR para sa Foundling Law pirmado na

September 9, 2022 @ 7:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinirmahan na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Foundling Recognition and Protection Act, na nagtatakda na ang mga abandonadong bata na hindi alam ang kapanganakan at mga magulang bilang natural-born Filipino citizens, nitong Biyernes.

Pinangunahan ni Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo ang paglagda sa IRR.

Sinabi ni Senator Risa Hontiveros, may akda at sponsor ng panukala, na sa pamamagitan ng batas, binibigyang-karapatan ang foundlings para sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan kagaya ng rehistrasyon, pangangasiwa sa mga dokumento para sa adoption, edukasyon, proteksyon, nourishment, at pangangalaga.

Iginiit pa ng senador na dapat ituring ang isang foundling bilang natural-born Filipino citizen kung natagpuan sa Pilipinas o sa Philippine embassies, consulates, at territories.

Batay sa batas, ang foundling ay inabandonang bata o sanggol na hindi tukoy ang kapanganakan at mga magulang.

“Ikinagagalak at ikinararangal kong maging parte sa pagsulat, pagsabatas, at ngayo’y pag-umpisa ng pag-implementa ng batas na ito,” pahayag ni Hontiveros.

“Magtulungan, mag-ambagan, at sama-sama nating siguraduhin na tunay na makinabang ang ating mga bata. May we never forget that the foundlings, our children, are the beating heart and very soul of this law,” dagdag niya.

Nagpasalamat din siya kina Senators Lito Lapid, Pia Cayetano, at Grace Poe maging sa kanyang counterpart sa Kamara na si Tingog party-list lawmaker Yedda Romualdez.

Sinabi ni Hontiveros na ang pinagdaanan ni Poe bilang isang foundling “gave more meaning” sa pagbuo sa panukala.

Natagpuan si Poe sa isang simbahan sa Iloilo at kinupkop ni late King of Philippine Movies Fernando Poe Jr. at ni late Queen of Philippine Movies Susan Roces.

“We achieved victory with the enactment of the law.  With the IRR, we hope to see all abandoned children enjoying equal treatment and every available service due them,” pahayag ni Poe.

“We must work together to make the country a shining example of humanitarianism by being a safe haven for foundlings,” dagdag niya.

Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala noong Mayo 2022. RNT/SA