Irving nakipag-usap kay NBA commissioner Adam Silver

Irving nakipag-usap kay NBA commissioner Adam Silver

November 9, 2022 @ 6:33 PM 4 weeks ago


NEW YORK — Nakipagpulong ang suspendidong Brooklyn Nets guard na si Kyrie Irving kay NBA Commissioner Adam Silver noong Martes (Miyerkules, oras sa Maynila), ayon sa insider.

Sinuspinde ng Nets si Irving ng hindi bababa sa limang laro nang walang bayad noong Huwebes matapos niyang tumanggi na sabihing wala siyang antisemitic na paniniwala.

Dumating iyon ilang oras matapos sabihin ni Silver na gumawa si Irving ng “walang ingat na desisyon” na mag-post sa kanyang Twitter feed ng link sa isang pelikulang naglalaman ng antisemitic na materyal at sinabing makikipagkita siya sa kanya sa loob ng isang linggo.

Kalaunan ay tinanggal ni Irving ang tweet at nag-isyu ng paghingi ng tawad sa Instagram, matapos mabigong gawin ito nang makipagkita siya sa mga mamamahayag noong Huwebes.

Ngunit noong panahong iyon, sinabi ni Silver na nadismaya siya na napakatagal bago humingi ng tawad si Irving, at hindi niya tinuligsa ang materyal sa “Hebrews to Negroes: Wake Up Black America.”

Kahit na pagkatapos makipagkita kay Silver, may gagawin si Irving para ayusin ang relasyon niya sa Nets. Sapat na ang galit nila sa kanyang pagtanggi na magpabakuna laban sa COVID-19 na naging dahilan para hindi ito makapaglaro sa home game sa halos lahat ng nakaraang season kaya tumanggi silang bigyan ito ng extension ng kontrata sa summer.

Sa pagkakataong ito, kakailanganin niyang kumpletuhin ang mga hakbang na sinabi nilang kakailanganin bago siya makabalik sa paglalaro.