Isa pang inmate tigok sa MCJ

Isa pang inmate tigok sa MCJ

July 13, 2018 @ 4:39 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Isa pang inmate ang binawian ng buhay  dahil sa nakuhang sakit sa loob ng selda sa Manila City Jail sa Sta. Cruz, Maynila,  kaninang madaling araw.

Sa ulat ni SPO3 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section, binawian ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Allinor Polipol Baraiman,  38-anyos, residente ng 1035 Matimyas St., Sampaloc, Maynila ay namatay dakong alas-3:31 ng madaling araw .

May kinakaharap itong kasong paglabag sa section 11 (drug possession) ng Republic Act 9165.

Sa ulat, dinala si Baraiman sa Infirmary Clinic ng MCJ  noong Hulyo 12 dahil nawalan ito ng malay.

Kinunan ito ng blood pressure  ni JO1 Mark Flores, nurse-on-duty, kung saan napansing  masyadong mababa ang presyon nito kaya ipinasugod naman sa JRMMC, kung saan siya nilapatan ng lunas.

Gayunman, madaling araw kinabukasan na nang bumigay ang katawan nito dahil sa “Acute Respiratory Failure Secondary to Community Acquired Pneumonia High Risk”.

Sa rekord, naaresto si Baraiman noong Abril 5, 2018 ng mga tauhan ng MPD-Station 4 sa kasong iligal na droga.

Nailipat lamang si Baraiman sa MCJ noong Hulyo 7, 2018 matapos isyuhan ng korte ng commitment order. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)