Manila, Philippines – Isa na namang sama ng panahon ang inaasahang papasok sa bansa sa loob ng susunod na 48 oras.
Ito ang kinumpirma ng PAGASA, kasunod ng paglabas ng Tropical Depression Henry sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang nasabing sama ng panahon o low pressure area (LPA) ay huling namataan sa layong 915 kilometers Silangan ng Aparri, Cagayan.
Kung sakaling maging bagyo ang LPA tatawagin itong “Inday”.
Hahatakin din ng LPA ang Habagat kaya asahan na ang malalakas na pag-ulan sa mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, Palawan at Western Visayas pati na rin sa Metro Manila.
Samantala, ang bagyong Henry ay huling namataan sa layong 415 kilometers Kanluran ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na 65 kph at pagbugso na umaabot sa 80 kph.
Tutumbukin ni Henry ang China sa bilis na 45 kph pero inaasahan na ito ay lalo pang lalakas habang nasa karagatang sakop ng West Philippine Sea.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 1 sa Babuyan Group of Islands, Batanes, Hilagang bahagi ng Ilocos Norte, Cagayan at Apayao. (Remate News Team)