Isa pang sangkot sa paglibing kay Salilig, sumuko

Isa pang sangkot sa paglibing kay Salilig, sumuko

March 2, 2023 @ 5:36 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Isa sa mga suspek na umano’y naglibing sa hazing victim na si John Matthew Salilig ang sumuko sa mga awtoridad nitong Huwebes.

Inihayag ng Cavite Provincial Police Office (PPO) na sumuko ang 23-anyos na suspek na si Daniel Perry kay Cavite Governor Jonvic Remulla dakong ala-1:30 ng hapon.

Iniharap si Perry kay Cavite Provincial Police director Police Colonel Christopher Olazo at dinala sa Trece Martires City para sa watong dokumentasyon.

Sinabi ni Olazo na umamin ang suspek na isa siya sa mga naglibing sa Adamson University student sa Imus, Cavite, ayon sa ulat nitong Huwebes.

Aniya, sumuko si Perry dahil inuusig ito ng konsensya at natatakot para sa seguridad ng kanyang pamilya.

Ayon pa sa kanya, nahikayat siyang sumuko sa mga awtoridad kasunod ng kanyang mga kasamahan.

Base kay Olazo, sasailalim ang suspek sa medical examination bago ilipat sa Biñan police station.

Batay sa imbestigasyon, nakilahok si Salilig sa initiation rites ng Tau Gamma Phi chapter noong Pebrero 19. 

Kinilala ng isang fraternity neohpythe ang mga indibidwal na sangkot sa hazing. Anim sa kanila ang sumailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice nitong Huwebes.

Hindi na umano maayos ang kondisyon ng biktima sa kalagitnaan ng rites. Pabalik na umano sila sa Manila nang mamatay ang biktima.

Sa halip na dalhin si Salilig sa ospital, ibinaon umano ng mga suspek ang biktima sa Cavite. RNT/SA