Isa pang Villamor na nakakulong sa NBP iniimbestigahan

Isa pang Villamor na nakakulong sa NBP iniimbestigahan

October 23, 2022 @ 1:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Dalawa ang may apelyidong Villamor ang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang inihayag ni Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Director General Gabriel Chaclag matapos ihayag ng self-confessed killer ng broadcaster na si Percy Lapid na si Jose S. Escorial na isang Palana Villamor mula NBP ang kumuha sa kaniya para patayin si Lapid.

Kinilala ni Chaclag ang dalawang Persons Deprived of Liberty (PDL) na sina Jun Globa Villamor at Jose Palana Villamor na mag pinsan.

Magugunita na namatay si Jun sa NBP hospital nitong Oct. 18 habang si Jose naman ay inilipat na sa Custodial Center ng Philippine National Police (PNP) nitong Oct. 20.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Jun sa loob ng NBP.

Sinabi rin ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na mahigpit na rin ang pagbabantay sa isang Christopher Bacoto alyas Jerry Sandoval na nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Si Bacoto ay pinangalanan din ni Escorial na siyang kumausap umano sa iba pang kasamahan para sa pagpaslang kay Lapid. Teresa Tavares